SC HINIMOK ILABAS PINAL NA DESISYON SA VP SARA IMPEACHMENT CASE

UMAPELA ang isang administration congressman sa Korte Suprema (SC) na maglabas na ng pinal na desisyon sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang press conference kahapon, sinabi ni House committee on public accounts Chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na mahalagang makapagpasya ang Kataas-taasang Hukuman bago matapos ang one-year ban sa pagsasampa ng impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo sa Pebrero 6, 2026.

“Hopefully, from today up to the fifth of February 2026, the Supreme Court will have basically disposed of the matter already,” ani Ridon, bago talakayin kung magsasampa pa ng panibagong reklamo laban kay Duterte.

Matatandaang noong Hulyo 25, 2025, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment case na inihain ng mga kongresista laban kay Duterte noong Pebrero 5, 2025, sa botong 13-0-2.

Ayon sa SC, nilabag umano ng Kongreso ang one-year ban rule nang aksyunan nito ang impeachment complaint na inendorso ng mahigit 240 kongresista noong Pebrero 5, 2025, sa halip na ang tatlong naunang reklamo na isinampa ng iba’t ibang grupo noong Disyembre 2024.

Gayunman, naghain ang Kongreso ng motion for reconsideration (MR) sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General noong Agosto, subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na desisyon ang Kataas-taasang Hukuman.

Ayon kay Ridon, kung papaboran ng SC ang MR ng Kamara, awtomatikong itutuloy ng Senado ang impeachment trial laban kay Duterte. Kaugnay ito ng mga alegasyon hinggil sa kwestyonableng paggastos ng intelligence funds at mga banta sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

“Pero kung unfavorable to the House, the House will have to implement the new rules of impeachment that the Supreme Court wants us to implement,” ani Ridon, sakaling magsampa ng panibagong impeachment complaint.

Sa ilalim ng bagong impeachment rules na itinakda ng Korte Suprema, kinakailangan pa ring mabigyan ng kopya ng reklamo at pagkakataong makapagsumite ng sagot ang inimpeach na opisyal, kahit may sapat na bilang ng mambabatas upang agad itong iakyat sa impeachment court para sa paglilitis.

(BERNARD TAGUINOD)

103

Related posts

Leave a Comment