MULING nanguna ang University of the Philippines–Diliman matapos masungkit ni Jhenroniel Rhey Timola Sanchez ang pinakamataas na marka sa 2025 Bar Examinations, na may 92.70 porsyento.
Pumangalawa si Spinel Albert Allaguian Declaro ng University of Santo Tomas (UST)–Manila na may 92.46 porsyento, habang pumangatlo naman si Alaiza Agatep Adviento, mula rin sa UST-Manila, na nagtala ng 91.91 porsiyento.
Inilabas kahapon ng Korte Suprema ang opisyal na resulta ng Bar Examinations kung saan 5,594 mula sa 11,425 na examinees ang pumasa, katumbas ng 48.96 porsiyentong passing rate.
Pinangunahan ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, chairperson ng Bar Examinations Committee, ang pagbubukas ng resulta sa en banc session ng Korte Suprema.
Isinagawa ang pagsusulit noong Setyembre 2025 sa iba’t ibang regional testing centers sa buong bansa gamit ang digital platform na Examplify, bilang bahagi ng layunin ng Korte na gawing mas ligtas at mas accessible ang Bar examinations.
Itinuturing na makasaysayan ang naturang Bar exams dahil ito ang may pinakamataas na bilang ng mga kumuha sa kasaysayan, na umabot sa mahigit 11,000 examinees. Kasabay ng listahan ng mga pumasa, inilabas din ang talaan ng mga topnotcher at top-performing law schools.
Inaasahang sasailalim ang mga bagong abogado sa clearance process at opisyal na panunumpa sa darating na Pebrero.
(JULIET PACOT)
40
