NANINIWALA ang kinatawan ng mga guro sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ang sistema ng Department of Education (DepEd) ang ugat ng pagkamatay ng isang public school teacher sa Muntinlupa City.
Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, nasawi ang gurong si Agne Buenaflor noong Miyerkules, Enero 7, habang nagtuturo sa ilalim ng classroom observation sa Pedro E. Diaz High School.
Nagpaabot ng pakikiramay si Tinio sa pamilya at mga kasamahan ng yumaong guro, at iginiit na ang matinding pressure at stress na dulot ng evaluation system ng DepEd ang posibleng dahilan ng insidente.
“The circumstances surrounding Ms. Buenaflor’s death underscore the immense pressure and stress that teachers face under the current evaluation system. Classroom observations have become a source of anxiety rather than genuine professional development,” ani Tinio.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 89, series of 2025, lahat ng public school teachers ay isinasailalim sa periodic walkthroughs at full-period classroom observations bilang bahagi ng ebalwasyon ng ahensya.
Dahil dito, naniniwala ang mambabatas na ang sistemang ito ang nagdulot ng labis na stress kay Buenaflor na nauwi sa kanyang pagkamatay habang nasa klase.
“Ang buhay, kalusugan, at kaligtasan ng ating mga guro ay dapat laging mauna. Hindi dapat maging sanhi ng takot at labis na pressure ang mga sistema ng DepEd,” ayon kay Tinio.
Sa nasabing sistema rin nakabatay ang performance rating ng mga guro na ginagamit bilang basehan sa performance bonus at promosyon, dahilan upang marami umano ang ma-stress at magkasakit.
Dahil dito, nanawagan si Tinio na agarang repasuhin ang evaluation system ng DepEd dahil sa halip na makatulong sa professional growth ng mga guro ay nagiging pabigat umano ito.
“We must reform our teacher evaluation systems to truly support professional growth rather than create unnecessary stress and anxiety. No teacher should feel that their life and health are at risk,” dagdag pa ng mambabatas.
Batay sa ulat, nasa kalagitnaan ng pagtuturo si Buenaflor sa harap ng kanyang mga estudyante at dalawang observer nang bigla siyang mahilo, mawalan ng malay, at bumagsak. Agad siyang isinugod sa ospital ngunit binawian ng buhay makalipas ang ilang oras.
Kinumpirma ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang insidente at nanawagan sa DepEd na agarang repasuhin ang mga polisiya sa classroom observation na, ayon sa grupo, ay dapat suportibo at hindi dagdag-pasanin sa mga guro.
Hiniling din ng TDC na tiyakin ang kalusugan at kapakanan ng mga guro sa gitna ng mabigat na workload sa pampublikong edukasyon.
Samantala, sinabi ng DepEd–Muntinlupa na nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya ng guro at nagsasagawa na ng imbestigasyon upang matukoy ang mga pangyayari at makapagbigay ng kaukulang tulong.
(BERNARD TAGUINOD/NILOU DEL CARMEN)
69 