NAHAHARAP sa reklamong less grave neglect of duty at conduct unbecoming of a police officer si dating PNP Health Service Chief PBGen. Jezebel Medina.
Nag-ugat ang reklamo matapos umanong hindi sumunod ang dating heneral sa direktiba ng National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay ng pagsusuot ng mamahaling sapatos.
Kapag naglabas na ng resolusyon ang kinauukulang ahensya, posibleng mabawasan ang pensyon ni Medina.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Randulf Tuano, dalawang araw lamang ang pagitan ng pagsasampa ng reklamo at ng pagreretiro ng heneral kaya’t hindi na maaaring ma-hold ang kanyang mga benepisyo.
Sakaling mapatunayang “guilty” sa kasong administratibo, saka pa lamang gagawin ang kaukulang computation na magreresulta sa posibleng pagbabawas ng kanyang pensyon bilang retiradong heneral.
Bukod dito, hindi rin umano tumupad si Medina sa hiling ng NAPOLCOM na magsumite ng psychiatric at psychological report ng isang patrolman ng Quezon City Police District (QCPD) na isa ring vlogger, na nag-post ng mga seditious remarks online noong siya pa ang namumuno bilang Health Service Director.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Medina kaugnay ng isyu, ayon sa PNP.
(TOTO NABAJA)
81 