UA SA 2026 BUDGET PINAHAHARANG NA SA SC

NAGHAIN ng petition for certiorari and prohibition sina Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima at Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice sa Korte Suprema, umaga ng Huwebes, upang kuwestiyunin ang constitutionality ng Unprogrammed Appropriations (UA) sa 2026 national budget.

Magkasamang dumating ang dalawang mambabatas sa Korte Suprema bago mag-alas-11 ng umaga bilang mga petitioner. Hiningi rin nila ang agarang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) at/o Writ of Preliminary Injunction, Status Quo Ante Order, at iba pang injunctive remedies upang mapigilan ang implementasyon ng UA.

Ayon kay De Lima, bagama’t may na-veto na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa General Appropriations Act (GAA), nananatili pa rin ang humigit-kumulang P150.9 bilyong unprogrammed appropriations na aniya ay “wala na dapat sa batas.”

Iginiit ng mambabatas na kailangan ng malinaw at categorical ruling mula sa Korte Suprema kung alinsunod ba sa Konstitusyon ang pagkakaroon ng unprogrammed appropriations sa GAA.

Sinabi pa ni De Lima na nilalabag umano nito ang Saligang Batas dahil dapat malinaw at tiyak ang source of funding ng badyet, at binabawasan nito ang kapangyarihan ng Kongreso.

“Kasi ang Kongreso ang nag-a-authorize ng spending at ang Executive ang nag-e-execute ng spending,” ayon kay De Lima.

Para naman kay Rep. Erice, may grave abuse of discretion sa pagpapatupad ng UA. Pinakamapanganib umano ang usapin ng source of funds dahil kapag “unprogrammed,” puwedeng maghanap ang gobyerno ng pondo sa iba’t ibang paraan tulad ng pagbebenta ng assets, karagdagang pangungutang, o pagpapataw ng bagong buwis—nang hindi na dumaraan sa Kongreso.

“So hindi na ‘yan dadaan sa Kongreso dahil naka-programa na. Maling-mali ‘yan. Ang alam ko ngayon pa lang ay nag-i-inventory na ng assets ang Department of Finance para maibenta kung sakaling kulangin ang pondo,” dagdag pa ni Erice.

Matapos ang isang araw na pagkaantala, pormal na inihain ng dalawang mambabatas ang petisyon upang tuluyang harangin ang implementasyon ng UA sa 2026 national budget.

Punto ni Erice, hindi tuluyang binura kundi binawasan lamang ng Pangulo ang UA, dahil P92.5 bilyon lang ang na-veto, kaya may natira pang P150.9 bilyon.

“Meron na pong ripe and justiciable controversy dahil approved na ang budget, napirmahan na, at pwede na itong i-implement anumang oras ng Executive,” paliwanag ni De Lima.

Dagdag pa niya, certiorari ang inihain dahil may grave abuse of discretion, at prohibition upang pigilan ang Executive lalo na ang Department of Budget and Management na ipatupad muna ang anomang plano kaugnay ng unprogrammed appropriations.

“Para matuldukan na ang usaping ito,” ani Erice, na umaasang agad kikilos ang Kataas-taasang Hukuman sa lalong madaling panahon.

(BERNARD TAGUINOD/JULIET PACOT)

42

Related posts

Leave a Comment