SEN. ERWIN TULFO, NAGHATID NG TULONG SA PAMILYA NG MGA BIKTIMA NG LANDFILL LANDSLIDE SA CEBU

AGAD umusad ang tulong ng pamahalaan para sa mga biktima ng pagguho ng landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City matapos personal na bisitahin ni Sen. Erwin Tulfo ang lugar ng trahedya nitong Sabado, Enero 18.

Bilang chairman ng Senate Committee on Social Justice and Rural Development, siniguro ni Tulfo na may tulong na makukuha mula sa gobyerno ang pamilya ng mga nasawi.

Bukod sa personal na paunang tulong pinansyal sa ilang pamilya ng mga nasawi, agad din tumawag ang Senador sa Department of Social Welfare and Development upang matiyak na masusundan pa ito ng malawak na ayuda mula sa pamahalaan, kabilang ang burial assistance, tulong medikal para sa mga sugatan, at tulong pangkabuhayan para sa mga pamilyang nawalan ng kabuhayan.

“Ngayon pinaka-kailangan ng tulong ng pamilya ng mga biktima. Kalunos-lunos itong nangyari na nagtatrabaho lang ang mga kapamilya nila, napahamak pa,” ayon sa mambabatas.

Sa kanyang pagbisita, personal din nasaksihan ni Tulfo ang lawak ng pinsalang dulot ng gumuhong bundok ng basura na tumabon sa gusaling nagsisilbing opisina at bunkhouse ng mga empleyado ng pribadong landfill. Ayon sa mga ulat, nasa loob ng naturang gusali ang karamihan sa mga biktima nang mangyari ang trahedya.

Kasunod ng pagdating ni Tulfo sa lugar, agad itong nakipagpulong sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang tiyakin ang mabilis na pagdating ng karagdagang tulong para sa mga naapektuhan.

Kasabay nito, iginiit ni Tulfo na dapat mapanagot ang mga ahensyang may kinalaman sa insidente, partikular ang Environment Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), dahil sa umano’y kakulangan sa mahigpit na pagbabantay sa operasyon ng landfill.

“Hindi ko maintindihan kung bakit pinayagan ng EMB ng DENR na magtayo ng gusali sa paanan ng bundok ng basura,” pahayag ni Tulfo sa mga naulilang pamilya.

Aniya, malinaw umanong delikado ang lokasyon at matagal nang may banta ng pagguho. Dagdag pa ng senador, kung nagampanan lamang ng mga kinauukulang ahensya ang kanilang tungkulin, posibleng naiwasan ang trahedya.

“Kung ginawa lang nila ang dapat nilang gawin, malamang buhay pa ang mga taong ito,” aniya.

Tiniyak din ni Tulfo na isusulong niya sa Senado ang isang masusing imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot at masiguro na hindi na mauulit ang ganitong uri ng sakuna.

“Hindi lang ito tungkol sa tulong ngayon, kundi sa pananagutan at pagprotekta sa buhay ng mga manggagawa sa hinaharap,” diin ng senador.

Batay sa tala ng Bureau of Fire Protection (BFP), umabot na sa 36 ang kumpirmadong nasawi habang 18 naman ang sugatan sa insidenteng naganap noong Enero 8.

63

Related posts

Leave a Comment