MALIWANAG NA SIMULA NG TAON. Inanunsyo ni Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga ang panibagong bawas-singil sa kuryente ngayong Enero, na inaasahang makatutulong sa mga customer ng kumpanya.
Magandang balita sa simula ng taon ang hatid ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga customer nito dahil magpapatupad ang kumpanya ng panibagong bawas-singil sa kuryente, ang ikalawang sunod na tapyas, kaya naman bumaba ang kabuuang singil sa P12.9508 kada kWh mula P13.1145 kada kWh noong Disyembre.
Ang bagong bawas na P0.1637 kada kWh ngayong Enero ay katumbas ng kabuuang tapyas na P33 sa bill ng kuryente ng mga customer na may konsumo na 200 kWh kada buwan.
Para naman sa mga pamilyang may mas mataas na konsumo na 300 kWh, 400 kWh, at 500 kWh, ang bawas ay katumbas ng P49, P65, at P82 sa kanilang bill.
“Sa ikalawang sunod na buwan, bumaba ang kabuuang singil sa kuryente. Umaasa kami na makatutulong ito sa aming mga customer sa pagsisimula ng bagong taon,” ani Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
Mas mababang transmission charge, generation charge at iba pang singil
Ang mas mababang transmission charge ang pangunahing sanhi ng kabuuang bawas-singil ngayong Enero. Bumaba ang residential transmission rate ng P0.10 kada kWh sa P1.0368 kada kWh dulot ng mas mababang ancillary service charges na binayaran ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga Ancillary Service Procurement Agreement nito at sa Reserve Market.
Nakatulong din sa kabuuang bawas-singil ang generation charge na bumaba ng P0.0171 kada kWh bunsod ng mas mababang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at mga Power Supply Agreement (PSAs).
Nagtala ng P1.1898 kada kWh na tapyas sa singil mula sa WESM dahil sa mas bumuting supply situation sa Luzon Grid, habang nabawasan naman nag P0.0516 kada kWh ang singil mula sa mga PSA dahil sa balik-operasyon ng planta ng San Buenaventura Power Ltd. Co. (SBPL) kasunod ng scheduled outage nito noong nakaraang buwan.
Samantala, tumaas ang singil mula sa mga Independent Power Producer (IPPs) ng P1.4879 kada kWh dahil sa mas mataas na fixed fees ng Sta. Rita matapos kumpirmahin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang komputasyon ng First Gas Power Corp. sa ilalim ng interim extension contract nito sa Meralco. Nakaapekto rin dito ang paghina ng Piso kontra dolyar dahil nasa 99% ng mga IPP cost ay dollar denominated.
Pinunan ng WESM, PSAs, at IPPs ang 7%, 71%, at 22% ng kabuuang energy requirement ng Meralco para sa nasabing panahon.
Dagdag pa rito, nakatulong rin sa kabuuang bawas-singil ang P0.0837 kada kWh na pangkahalatang tapyas sa buwis at iba pang singil.
Nagawang tabunan ng pagbaba sa transmission, generation at iba pang charges ang koleksyon ng P0.0371 kada kWh na Green Energy Auction Allowance (GEA-All) na nagsimula na ngayong buwan alinsunod sa direktiba ng ERC.
Ang GEA-All na ipapataw sa lahat ng on-grid end-users upang mapunan ang kabuuang bayad sa mga GEA-eligible na planta ay ire-remit sa National Transmission Corporation (TransCo).
Ang mga pass-through charge ng generation at transmission ay ibinabayad ng Meralco sa mga power supplier at grid operator habang ang buwis, universal charges, at ang Feed-in Tariff Allowance ay inire-remit naman sa gobyerno.
Wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco simula noong bumaba ito ng P0.0360 kada kWh para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.
Babala laban sa pagnanakaw ng mga pasilidad ng kuryente
Matapos ang insidente sa Quezon City na nagdulot ng antala sa serbisyo ng kuryente sa halos 8,000 customer, muling pinaalalahanan ng Meralco ang publiko sa panganib ng pagnanakaw ng mga pasilidad ng kuryente kabilang na ang mga kable.
Ang suspek, isang 37-anyos na lalaki, ay nasa kritikal na kondisyon matapos magtamo ng matinding pinsala sa katawan, habang naibalik naman ang serbisyo ng kuryente matapos ang apat na oras kasunod ng agarang pagresponde ng mga crew ng Meralco upang maayos ang mga naapektuhang linya.
Nagbabala si Meralco Senior Vice President at Head ng Networks Froilan J. Savet laban sa panganib ng pagnanakaw ng mga pasilidad ng kuryente kabilang na ang mga kable.
“Patunay ang insidenteng ito sa matinding panganib na dulot ng pagnanakaw ng mga kable at pasilidad ng kuryente. Bukod sa perwisyo sa komunidad dahil sa pagkaantala ng serbisyo, napaka-delikado ng mga ganitong gawain dahil mataas ang boltahe ng aming mga pasilidad na maaaring maging sanhi ng pagkakuryente, matinding pinsala sa katawan o kaya naman ay pagkamatay,” ani Froilan J. Savet, Senior Vice President at Head ng Networks ng Meralco.
“Muli kaming nananawagan sa publiko na makipagtulungan sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na serbisyo ng kuryente sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahinahinalang aktibidad na may kinalaman sa mga pasilidad ng Meralco,” dagdag pa niya.
BABALA LABAN SA PAGNANAKAW NG KABLE NG KURYENTE. Muling nagbabala ang Meralco laban sa mga panganib na dulot ng pagnanakaw ng mga pasilidad ng kuryente kabilang ang mga kable. Makikita sa mga larawan ang mga pinagputulan ng mga ninakaw na kable ng kuryente.
Noong 2025, nakapagtala ang Meralco ng 285 na insidente ng pagnanakaw ng mga pasilidad nito kabilang na ang mga kable ng kuryente. Apat (4) sa mga insidenteng ito ay nagresulta sa aksidente o pinsala sa katawan.
Pinapaalala rin ng Meralco na ang pagnanakaw ng kable ng kuryente at iba pang pasilidad ng kumpanya ay labag sa Republic Act No. 7832 o Anti Electricity Pilferage Act, na may kaukulang parusa ng pagkakakulong at multa.
Maaaring i-report ng mga customer ang anumang alalahanin sa serbisyong kuryente sa pamamagitan ng MyMeralco app, o sa mga opisyal na social media account sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X (@meralco). Maaari rin silang magtext sa 09209716211 o 09175516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211.
“Nais naming tiyakin sa aming mga customer na handa kaming tumugon agad sa anumang alalahanin sa serbisyo ng kuryente—mula sa kahina-hinalang aktibidad sa aming mga pasilidad, singil, antala sa serbisyo, o mga emergency,” ani Zaldarriaga.
55



