PAPASOK SA PRIVATE SCHOOL? DEPED NAGBABALA

deped25

(NI KEVIN COLLANTES)

NAGBIGAY ng ilang paalala ang Department of Education (DepEd) sa publiko, partikular na sa mga magulang, na nais i-enroll ang kanilang mga anak sa private school.

Ayon sa DepEd, kung nagpaplanong mag-enroll sa isang pribadong paaralan ay dapat munang tiyakin na may permit to operate ito o kaya ay kinikilala o awtorisado ng departamento.

Sinabi ng DepEd na alinsunod sa Department Order (DO) 88, series of 2010, tanging ang mga awtorisado lamang na private school ang makapagbibigay ng Learner Reference Number (LRN) ng mga mag-aaral, gayundin ng completion certificate of diploma.

“Nagpaplanong mag-enroll sa private school? Alamin muna kung may permit to operate (may bisa para sa kasalukuyang school year) o recognition ang private school mula sa DepEd,” paalala ng DepEd.

“Ang mga authorized private school lamang ang nakakapagbigay ng Learner Reference Number (LRN) at nakakapag-issue ng completion certificate/diploma, alinsunod sa DO 88, s. 2010,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ng DepEd ang publiko na kung mayroon silang anumang katanungan ay maaari silang tumawag sa kanilang Public Assistance Action Center (PAAC) sa mga numerong (02)636-1663, 635-9817, 638-7530, 633-1942, 638-8641, 638-7529, o (0919)456-0027, o di kaya’y mag-email sa action@deped.gov.ph.

Hunyo 3 nang magbukas ang klase para sa School Year 2019-2020 sa mga pampublikong paaralan sa bansa, habang nagpapatuloy naman ang enrollment activities sa mga private school.

Ang mga pribadong paaralan ay binibigyan ng kalayaan ng DepEd na pumili ng petsa kung kailan sila magbubukas ng klase, ngunit kinakailangang hindi ito mas maaga sa unang Lunes ng Hunyo at hindi naman lalagpas sa huling araw ng Agosto.

422

Related posts

Leave a Comment