Buwagin na ang Party-List System sa bansa, ngayon na!

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

ANO nga ba ang intensiyon ng Konstitusyon kaya nagkaroon tayo ng party-list representation?

Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang “marginalized sector” na magkaroon ng boses sa Kongreso, at dahil nakita ng framers ng 1987 Constitution natin na nadodomina ng mayayaman, maiimpluwensiyang politiko at angkan ang pulitika sa bansa.

Ano ba ang marginalized sector sa paningin ng mga gumawa ng Konstitusyon?

Ito ay ‘yung grupong mahihirap at inaapi at api-apihan, tulad ng mga magbubukid at magsasaka, mga tsuper, mga kasambahay, mga senior citizen at mga katulad na pangkat.

Hindi para sa mayayaman, sa mga multi-milyonaryo, lalong hindi sa mga sektor ng relihiyon ang party-list, kaya tigilan na ang kalokohan, gets n’yo, anak ng pitong kuba!

***

Ano ang tawag sa isang tao na ang sinabi ay kayang panindigan at titiyaking kayang gawin ang sinabi o ipinangako?

Sagot: May palabra de honor.

Kung inyong susuriin, dear readers, tanging ang tao lamang ang binigyan ng Amang Diyos ng katangiang makapagsalita, at makapagpahayag ng saloobin at mangatwiran.

May dila ang mga tunay na buwaya, mga baka, kambing, aso, balyena, kabayo at iba pang hayop o insekto?

Pero, hindi sila makabuo ng salita: Tahol ang kayang gawin ng aso, unga ang kaya ng kalabaw at tilaok sa manok, halinghing sa kabayo.

Marami na rin naman ang naging lider ng bansa, na natapos ang termino at nawala sa puwesto at sa mga kainitan ng kampanyahan, langit at lupa ang ipinapangako nila na ‘pag sila ang naging konsehal, meyor, gobernador, congressman, senador, bise presidente at pangulo, ibibigay nila halimbawa ang para sa mga magsasaka, etc., pero may nangyari at naibigay ba ang mga pangako, wala!

***

Merong mga politiko na ngayon pa lang ay kinukondisyon na ang isipan ng kani-kanilang contituents na sila ang dapat manalo sa susunod na halalan, at ngayon pa lamang, nakakasa na ang gagawin nila kung sila ay matalo – sa sinasabi nilang “pandaraya” na gagawin sa kanila?

Isinasaksak na sa isip ng kanilang mga kababayan at tagasunod na ngayon pa lamang, ‘pag natalo sila, kaguluhan at pananakot ang dapat na itugon, pambihira, ‘di ba?

Napakahirap na magkaroon ng mga lider na hindi pa man nagkakaroon ng tunay na halalan ay inaaangkin na ang panalo at ipinalalagay na ang taumbayan ay isang bungkos na uto-uto at parang robot na kaya nilang pasunurin sa anomang nais nilang ipagawa, susmaryosep!

***

Ayaw natin ng gulo, at ang nais ng bansa ay kapayapaan at pagsulong sa kabuhayan at mapabilis ang ating kaunlaran.

Nais natin ay mga lider na ang layunin ay isaayos ang pamahalaan at maituwid ang mga kamalian, at sugpuin ang katiwalian at tapusin ang kahirapan.

Ayaw ng bayan ng mga lider na magsusulong ng mga kaguluhan at nais nila, isang bagong rebolusyon ng pagbabago sa kalagayan ng mahihirap na makatakas sa kahirapan at magkaroon ng malusog na katawan, matatag na hanapbuhay, magkapagtamo ng kalidad na edukasyon at makapagtamo ng maraming serbisyong bayan.

***

Bakit hindi tumitino ang mga kriminal?

Kasi ‘pag nakulong ay “magpapakabait” lamang at sa pamamagitan ng pera nila at impluwensiya, mabibigyan ng pardon.

Pero ang mga may edad na at matagal nang pinagsilbihan ang kanilang mga sentensya o may mga grabeng sakit, bakit hindi pa pinalalaya?

Wanakosey!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisma@yahoo.com.

78

Related posts

Leave a Comment