RUSSIAN VLOGGER GUMIMIK LANG PARA KUMITA?

BISTADOR ni RUDY SIM

MATAPOS ang deportasyon ng bansa sa Russian Vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy ay nalalagay muli ngayon ang Bureau of Immigration sa alegasyon ng korupsyon makaraang isiwalat umano nito na siya ay malayang nakagagamit ng gadgets sa loob ng piitan kapalit aniya ang panunuhol sa ilang jail officers.

Matatandaang kinasuhan ng paglabag sa immigration law bilang pagiging undesirable alien ang dayuhang vlogger dahil sa hindi magandang content nito sa bansa partikular ang pambabastos sa ating mga kababayan kung saan ay mismong si Pangulong Bongbong Marcos Jr. mismo ang nag-utos sa ahensya na bigyan ito ng leksyon upang hindi pamarisan ng ibang lahi na mambastos sa ating bansa.

Hanggang sa unang iniharap ito sa media ni DILG Secretary Jonvic Remulla at sinabing mananatili muna sa bansa si Vitaly upang pagbayaran ang kanyang kasalanan at ayon sa ating source, mula nang ito ay madetine sa detention unit ng BI sa Bicutan ay inilagay ito sa isang solong kulungan bilang seguridad na rin sa kanya laban sa mga kapwa nitong inmates na mainit sa kanya dahil sa hindi magandang asal nito sa loob.

Bagama’t may ilan tayong sumbong na natanggap na may nagaganap na korupsyon sa loob ng piitan at kahit saan man, maging sa kulungan ng presinto at BJMP ay nangyayari ito at hindi maiwasang mayroong bulok na kawani pero hindi naman ibig sabihin na lahat ay tiwali, marami pa naman ang matitino.

Sa pagsisiwalat na ito ni Vitaly sa kanyang content creation ay tila hindi tayo kumbinsido sa lahat ng kanyang isiniwalat dahil unang-una nang siya ay kasalukuyan pang nasa bansa at nakapiit sa Bicutan at Muntinlupa ay ako mismo ay kanyang nakausap sa mobile phone dahil sa ibinibigay sa kanilang ilang oras na courtesy upang makausap ang kanilang mahal sa buhay o abogado.

Bagama’t nagbitiw na ang dating warden ng BI detention unit na si Zottocles Bechayda ay pinalitan naman ni Felix Velasco Jr., at habang gumugulong ang imbestigasyon, ay tinitingnan din ang ibang anggulo kung ano ang motibo ng dayuhan para siraan ang ahensya ng gobyerno na nagpakita naman sa kanya ng kabutihan habang siya ay nasa loob ng piitan.

Ang aking opinyon sa kasong ito bagama’t kailan lamang ay nakausap ko mismo ang vlogger at ang kanyang ina na si Elena mula sa videocall, ay inamin nito sa akin mismo na sa kanyang pagiging single mother mula pa noong bata pa itong Russian Vlogger na si Vitaly, ay hirap ang kanilang kabuhayan at mula naman nang makulong sa bansa si Vitaly ay natigil ang kanilang kinikita sa pag-Vlog.

Ito kaya ang paraan ni Russian influencer Vitaly upang maibalik ang tiwala sa kanya ng kanyang mga subscriber at muling kumita sa kanyang content kahit manira ng mga taong tumulong din sa kanya sa oras ng kanyang kagipitan?

Samantala, nagbabala si Remulla maaaring pabalikin sa bansa ang dayuhan upang patunayan ang kanyang alegasyon ng katiwalian.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

66

Related posts

Leave a Comment