ILALABAS na ngayong linggo ang P69.8 milyong allowances para sa 11,633 pampublikong guro ng Maynila sa ilalim ng Schools Division Office (SDO), na sasaklaw sa Oktubre hanggang Disyembre 2025.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, ilalabas ang naturang pondo kasabay ng P9.68 milyong ayuda para sa 6,452 Grade 12 students, kaya aabot sa P79.48 milyon ang kabuuang SDO-related releases para sa huling kwarter ng 2025.
Magpapalabas din ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng P26.03 milyon para sa 8,675 estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at P11.10 milyon para sa 5,551 mag-aaral ng Universidad de Manila (UDM).
Kabilang din sa makatatanggap ng allowances ang Manila Police District (P26.03M), Manila Fire District (P2.76M), Philippine Drug Enforcement Agency (P150,000), at Bureau of Jail Management and Penology (P3M).
Sa kabuuan, aabot sa 155.04 milyon ang ilalabas na allowances at subsidiya para sa edukasyon at mga sektor ng pampublikong serbisyo.
“Ikinagagalak kong makapagbigay ng ngiti sa halos 26,000 indibidwal—mga mag-aaral, kawani, at guro—sa pamamagitan ng tulong-pinansyal ng Pamahalaang Lungsod,” ani Domagoso.
(JOCELYN DOMENDEN)
1
