NEGROS OCCIDENTAL – Tuluyan na umanong napilay ang nalalabing puwersa ng Communist Party of the Philippines at armadong galamay nito na New Peoples Army sa lalawigan ng Negros, nang mapatay ng militar ang umano’y pinakamataas na pinuno ng teroristang grupo at tatlo pang rebelde sa nangyaring engkwentro sa bayan ng Binalbagan sa lalawigan.
Kinilala ni Brig. Gen. Ted Dumosmog, commander ng 303rd Infantry Brigade, ang napaslang na rebel leader na si Reynaldo Erecre alias “Amik,” sekretaryo ng Komiteng Rehiyon–Negros ng CPP-NPA.
“That’s a major blow to the rebel movement,” ani BGen. Dumosmog.
Sa parehong araw, napatay rin si Regie Pacheco alias “Dante,” finance at logistics officer ng NPA Central Negros 2, sa hiwalay na engkwentro sa Barangay Bi-ao rin.
Ayon sa 94th Infantry Battalion, dahil sa naganap na sagupaan ay napigilan nila ang plano ng rebeldeng grupo na pagpapasabog at pagsunog ng mga heavy equipment na gamit sa proyekto ng gobyerno, bunsod ng ipinarating na sumbong mula sa mga residente.
Sa isa pang insidente, dalawang hindi pa nakikilalang NPA members ang napatay sa Guihulngan City, Negros Oriental noong Enero 31, kung saan nakumpiska ang M-16 rifle, .45-caliber pistol, hand grenade, bala, at subversive documents.
Pinayuhan ni Maj. Gen. Michael Samson ng 3rd Infantry Division, ang natitirang miyembro ng armadong komunistang grupo na sumuko at samantalahin ang government reintegration programs.
“Through these initiatives, you can avoid misfortune and death; reconcile with your families, and experience full healing within the community,” dagdag pa ni MGen. Samson.
(JESSE RUIZ)
4
