2 DRIVERS SA VIRAL BUGBUGAN SA KALSADA IPINATAWAG NG LTO

NAG-ISYU ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Orders laban sa dalawang may-ari ng sasakyan at kanilang mga driver na sangkot sa insidente ng road rage sa Cainta, Rizal.

Sinimulan ang imbestigasyon matapos kumalat sa social media ang isang video na nagpapakita ng pagsusuntukan ng dalawang driver sa gitna ng kalsada na nagdulot ng abala sa trapiko.

Batay sa LTO, makikita sa video na may dalang baseball bat ang isang driver at nagpakita ng agresibong pag-uugali na nauwi sa suntukan.

Natuklasan din na expired ang rehistro ng isa sa mga sasakyang sangkot sa insidente.

Inatasan ang dalawang panig na humarap sa pagdinig ng Intelligence and Investigation Division sa Huwebes, Pebrero 5, upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa mga kasong administratibo at masuspinde o marebisa ang kanilang lisensya.

Pansamantalang sinuspinde ng LTO sa loob ng 90 araw ang lisensya ng mga driver at inilagay sa alarm status ang mga sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

(NILOU DEL CARMEN)

2

Related posts

Leave a Comment