AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
BINIGYAN-DIIN ni Supreme Court (SC) Associate Justice Amy Lazaro-Javier na hindi lamang ang impeachable officer ang dapat suriin, kundi pati ang mismong proseso ng impeachment bago magbigay ng hatol.
Ayon ito sa mahistrado sa kanyang boto na nagpapatibay sa naunang desisyon ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ibinasura ng SC ang Motion for Reconsideration ng Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa kawalan ng due process at paglabag sa one-year ban rule.
Sinabi pa ni Lazaro-Javier, ang pananagutan ay para sa lahat—kaya’t hindi lamang ang opisyal na ini-impeach ang dapat suriin at husgahan, kundi pati ang institusyong nagsampa ng kaso.
Aniya, mahalaga ang pagiging patas ng proseso, pagiging bukas ng mga pagdinig, at mahigpit na pagsunod sa Konstitusyon.
Kasabay nito, nagbabala si Lazaro-Javier na kapag pabaya ang isinagawang impeachment, ang pinsala ay hindi lang sa opisyal na target nito, kundi pati sa tiwala ng publiko sa lehislatura at sa mismong Konstitusyon.
Ang nasabing pinal na desisyon ng Korte Suprema ay hindi sinang-ayunan ni Senate President Tito Sotto kaya ang sagot niya ay baguhin na ang Konstitusyon.
Sa pagtutol na ito ni Sotto sa desisyon ng Korte Suprema ay maraming mga abogado ang nag-comment na sa kabila na hindi naman siya lawyer ay kinuwestiyon niya ang 13-0 boto ng Justices na pumabor sa pagdedeklarang labag sa Saligang Batas ang impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte.
May nagsasabi naman na walang ibang makikinabang kapag na-impeach si VP Sara Duterte kundi si Sotto dahil siya ang maaaring pumalit dito kapag natanggal ang Pangalawang Pangulo sa kanyang pwesto.
Isa sa mga pumuna sa statement ni Sotto ay ang kilalang lawyer blogger na si Atty. Neil Abayon. Sa binanggit ng Senate President, naniniwala ito sa Legal Luminaries na nag-advise kanya na naging dahilan ng kanyang pagtutol sa desisyon ng Korte Suprema.
Ayon pa kay Atty. Abayon, hindi pupwede na ang elected official ng bansa ay laging naniniwala sa mga nagsasabi sa kanya, kinakailangang magkaroon siya ng sariling desisyon lalo na isa siyang mambabatas at kinakailangan ding alam niya ang mga batas na umiiral sa bansa.
Ipinaliwanag din ni Atty. Abayon na ang Pilipinas ay may tatlong sangay ng pamahalaan na kinabibilangan ng Lehislatura na binubuo ng mga Kongresista at Senador; Executive na pinamumunuan ng Presidente, at Judicial na binubuo naman ng mga Hukom.
Ang Lehislatura na kinabibilangan ng mga Kongresista at Senador, sila ang gumagawa ng batas, ang Executive naman ay sila ang tagapagpatupad ng batas o implementor, samantalang ang Judicial, sila ang interpreter ng batas o nagsusubaybay kung naipatutupad nang tama ang batas.
Kung pagbabasehan natin ang sinasabi ni Sotto na pagtutol sa desisyon ng Korte Suprema na 13-0 ang bumoto pabor sa pinal na pagbasura ng impeachment laban kay VP Sara Duterte, ay hindi lang personal interes kundi para sa kanyang political affiliation sa BBM admin.
Dahil sa paninindigan na ito ni Sotto ay maraming nagsabi na dapat na siyang bumaba sa kanyang pwesto bilang Senate President dahil nakahihiya ang kanyang ginawang pagkuwestiyon sa desisyon ng Korte Suprema, na ang Justices na bumoto ay pawang mga nagsunog ng kilay bago pa sila naging mahistrado ng Kataas-Taasang Hukuman.
Sa pakikinig umano ni Sotto sa sinasabi niyang Legal Luminaries na naging dahilan ng kanyang pagkuwestiyon sa desisyon ng Korte Suprema, ay maaari siyang makagawa ng criminal act na may kaakibat na pananagutan sa batas.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
2
