4 CONVENIENCE STORES SA BATANGAS, QUEZON SUNOD-SUNOD HINOLDAP

APAT na sangay ng convenience store sa mga lalawigan ng Batangas at Quezon ang halos magkakasunod na hinoldap ng umano’y iisang pares ng riding-in-tandem, ayon sa pulisya.

Unang nangyari ang insidente dakong alas-9:40 ng gabi noong Lunes sa isang sangay ng convenience store sa Barangay Inosluban, Lipa City kung saan tinangay ang tinatayang P20,000 cash.

Sumunod dakong alas-10:00 ng gabi ay hinoldap ang isa pang sangay ng tindahan sa Barangay Banaybanay, Lipa City kung saan nakuha ang humigit-kumulang P50,000 cash at personal na gamit ng mga empleyado.

Dakong alas-10:55 ng gabi, hinoldap din ang isa pang sangay sa Barangay Bago, Ibaan, Batangas at tinangay ang tinatayang P74,000 cash at isang relo.

Isang kaparehong insidente rin ang iniulat sa isang sangay ng convenience store sa Tiaong, Quezon na pinaniniwalaang kinasangkutan ng parehong mga suspek batay sa modus at deskripsyon.

Inilarawan ang mga suspek bilang dalawang lalaking sakay ng Honda Click motorcycle na may plate number plate no. 09746S, kapwa armado ng maiikling armas at may magkahawig na kasuotan na blue jacket at maong pants ang driver, at black and white na long sleeve at maong pants ang backrider batay sa ulat ng mga biktima.

Ang Lipa City, Ibaan at Tiaong ay halos magkakaratig lamang ang lokasyon.

Nagsasagawa na ang pulisya ng dragnet operation, CCTV review, at koordinasyon sa SOCO upang matukoy at maaresto ang mga suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

12

Related posts

Leave a Comment