“LALABAS ang ebidensiya ng kickbacks sa tamang panahon.”
Ito ang pahayag ni Batangas Rep. Leandro Leviste kahapon, tatlong araw bago magsimula ang kanyang anim na buwang bakasyon sa Pebrero 8, kung saan bibisita siya sa halos 26 bansa, kabilang ang Netherlands at Portugal.
Ayon kay Leviste, hindi niya umano nais mag-abroad ngunit humingi siya ng pahintulot sa Kongreso matapos umanong pakiusapan ang kanyang ina ng ilang kinatawan ng administrasyon na pansamantalang umalis ng bansa sa halip na agad ilabas ang hawak niyang ebidensiya kaugnay ng umano’y maanomalyang DPWH projects.
“Hindi ko gustong mag-abroad. Pinayuhan akong magpahinga muna kaysa ilabas agad ang ebidensiya laban sa mga proponents ng mga maanomalyang DPWH projects,” ani Leviste.
Sinabi ng mambabatas na higit pa umano sa Cabral Files ang hawak niyang ebidensiya na nagpapakita ng pagtanggap ng kickbacks, subalit pinayuhan siyang hindi pa ito ang tamang panahon upang ilabas ang mga ito.
Gayunman, nakapaghanda na umano siya ng mga video na magsisilbing safeguard sakaling may mangyari sa kanya.
“Kapag nailabas ang ebidensiyang ito, mauunawaan ninyo kung bakit nila ako inaatake. Gayunman, lalabas din ang katotohanan sa tamang panahon,” ani Leviste, anak ni Sen. Loren Legarda.
Kaugnay nito, nabanggit na iniimbestigahan at pinagmulta ng Department of Energy (DOE) ng P24 bilyon si Leviste kaugnay ng kabiguang matupad ang pangakong makapag-produce ng 12,000 megawatts ng kuryente ang Solar Para sa Bayan Corporation (SPBC) noong 2019.
Umaasa rin umano si Leviste na magsasalita ang ilang dating opisyal ng DPWH, kabilang sina dating Undersecretary Roberto Bernardo at dating Secretary Manuel Bonoan, pati ang iba pang kasalukuyan at dating Cabinet secretaries at undersecretaries na may nalalaman sa mga anomalya at sa umano’y tumanggap ng kickbacks.
“Umaasa tayo na walang testigong mapapatahimik o mawawala. Kung may mangyari man, sana ay may naiwang files, affidavit, o recordings para hindi mabaon ang katotohanan,” ani Leviste.
(BERNARD TAGUINOD)
40
