MALACAÑANG REREPASUHIN ULAT NG ICI SA FLOOD SCANDAL

REREPASUHIN ng Malacañang ang 125-day accomplishment report ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng iniimbestigahang flood control scandal.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, isinumite na ang ulat sa Office of the Executive Secretary (OES) at kasalukuyan pa itong pinag-aaralan.

Nauna nang inihain ng ICI ang report sa Office of the President noong Biyernes, kung saan inilatag ang mga nagawa ng komisyon mula nang simulan ang operasyon nito noong Setyembre 2025.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng komisyon na mula Setyembre 15, 2025 hanggang Enero 18, 2026 ay nakapagsumite ito ng siyam na referrals sa Office of the Ombudsman na sumasaklaw sa 65 indibidwal.

Bukod dito, kino-coordinate din umano ng ICI ang referral ng panibagong 66 indibidwal sa Department of Justice para sa pagpapalabas ng immigration lookout bulletin orders.

Kabilang sa mga inirekomendang kasuhan na may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects si former senator Bong Revilla Jr., Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, gayundin si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.

Samantala, sinabi ni Castro na wala pang natatanggap na direktang update si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula sa ICI maliban sa kumpirmasyong naipasa na ang ulat sa OES.

(CHRISTIAN DALE)

31

Related posts

Leave a Comment