TINULIGSA ng grupong Kilos Komyuter at Konsyumer ang PUV Modernization Program ng pamahalaan at sinabing umabot umano sa P5 bilyon ang nalugi rito mula nang ipatupad walong taon na ang nakalilipas.
Sa press conference sa Quezon City, sinabi ng tagapagsalita ng grupo na si Isagani Bogabel na tinatayang 20 porsyento lamang ng target ang natupad ng programa dahil sa matinding pagtutol ng ilang transport group.
Ayon kay Bogabel, isa sa mga pangunahing problema ang mataas na halaga ng modernized jeep na umaabot umano sa P2.5 milyon kada unit, na aniya’y hindi kayang bayaran ng karamihan sa mga operator na may tradisyunal na jeep na wala pang P1 milyon ang halaga.
Iginiit din ng grupo na may ilang modernized jeep na umano’y hindi na nagagamit at napapabayaan na lamang.
Kinuwestiyon din ng Kilos Komyuter-Konsyumer ang polisiya ng pamahalaan na obligahin ang mga tsuper at operator na palitan ang kanilang mga tradisyunal na jeepney sa kabila ng kakulangan umano sa konsultasyon sa sektor ng transportasyon.
Ayon sa grupo, inilunsad nila ang kanilang inisyatiba upang maging boses ng milyun-milyong Pilipinong apektado ng problema sa pampublikong transportasyon.
Nanawagan din ang grupo sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na muling pag-aralan ang PUV Modernization Program upang matiyak na magiging epektibo at kapaki-pakinabang ito sa mga tsuper, operator, at commuters.
(PAOLO SANTOS)
30
