NADAKIP ang dalawang suspek sa ilegal na droga kabilang ang dating karelasyon ng isang tinaguriang “ninja cop” at isang dating opisyal ng barangay sa buy-bust operation sa Pasay City na nagresulta rin sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang ₱170,000 halaga ng shabu.
Kinilala ni Pasay City Police Chief Col. Joselito De Sesto ang mga suspek na itinago sa mga alyas na “Sheryl,” 40, at “Vince,” 53, kapwa itinuturing na high-value individuals.
Inaresto ang mga suspek sa parking area ng isang sangay ng McDonald’s sa kanto ng F.B. Harrison at Villaruel Streets, Pasay City.
Ayon kay De Sesto, isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Regional Police Drug Enforcement Unit, Southern Police District Drug Enforcement Unit, Pasay City Police Station Drug Enforcement Unit, at ng Arnaiz Substation.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 25 gramo ng shabu, gayundin ang buy-bust money.
Nakakulong na ang mga suspek sa Pasay City Police custodial facility at mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(CHAI JULIAN)
4
