CAMARINES SUR – Nagkaroon ng pansamantalang pagbagal ng daloy ng mga sasakyan matapos mapilitang huminto ang isang tren sa railroad crossing sa Rizal Street, Iriga City dahil sa kotseng nakaparada malapit sa riles.
Ayon sa ulat, isang Toyota Wigo ang naiwang naka-park umano sa lugar at posibleng tamaan ng tren kung nagpatuloy ito sa pag-andar kaya agad nagpreno ang train operator.
Dahil dito, naantala ang mga motorista at pedestrian na dumaraan sa nasabing bahagi ng national highway na malapit sa palengke at mall.
Makalipas ang ilang minuto ay dumating ang may-ari ng sasakyan at inusod ang kotse upang makadaan ang tren at maibalik sa normal ang daloy ng mga sasakyan.
Tinikitan naman ng mga pulis ang driver ng kotse dahil sa illegal parking.
Samantala, naglabasan ang iba’t ibang reaksyon sa social media kung saan may ilang netizen ang nagsabing “Sa Pilipinas, tren na ang nag-aadjust,” habang ang iba naman ay pinuri ang train operator sa pagiging maingat at makatao sa pag-iwas sa posibleng aksidente.
(NILOU DEL CARMEN)
2
