4 MISSING FISHERMEN NATAGPUAN NG PCG, 1 PATAY NA

OCCIDENTAL MINDORO – Hindi naabutan nang buhay ng nagrespondeng mga kagawad ng Philippine Coast Guard ang isa sa apat na mangingisda na ilang araw nang palutang-lutang sakay ng nasira nilang fishing vessel sa dagat na sakop ng lalawigan.

Kinumpirma ng PCG ang pagkakasagip sa tatlo sa apat na fishermen na iniulat na nawawala simula pa noong Pebrero 9, 2026 nang magsimula silang maglayag mula sa bayan ng Lian sa Batangas.

Ayon sa PCG, nakatangap sila ng radio communication bandang alas-12:10 ng tanghali noong Sabado mula sa fishing boat FBCA Carmen 4 na nag-ulat na namataan ang palutang-lutang FB MJ 2, may 102 nautical miles mula Cabra Island sa Lubang, Occidental Mindoro.

Sinasabing dumanas ng engine failure ang FB MJ 2 at nagpalutang-lutang na lamang sa dagat ng ilang araw.

Unang isinakay muna ang tatlong buhay na mangingisda sa FBCA Carmen 4, isa rito ay nanghihina at nangailangan ng medical attention habang kinumpirmang patay naman ang ika-apat nilang kasamahan.

Nang marating ng PCG ang mga mangingisda ay inilipat sila sa 44-meter patrol vessel BRP Cape San Agustin (MRRV-4408) na patungong Port Area sa Maynila.

Ayon sa Coast Guard District Southern Tagalog, ang apat na mangingisda ay inulat na nawawala nang hindi sila nakabalik ng Batangas mula nang maglayag sila para mamalakaya sa Ambil at Lubang Islands.

Nabatid na nagpalipad pa ng kanilang air asset ang PCG para paigtingin ang search and rescue operations katuwang ang ilang government agencies, local government units at coastal communities.

(JESSE RUIZ)

13

Related posts

Leave a Comment