IGINIIT ni Senador Bam Aquino na dapat isantabi muna ang pulitika habang patuloy na hinaharap ng mga Pilipino ang mabibigat na suliranin tulad ng krisis sa edukasyon, kawalan ng trabaho, at katiwalian.
Ginawa ng senador ang pahayag bilang reaksyon sa impormasyon na posible siyang sumabak sa 2028 Presidential elections.
Sinabi ni Aquino na nakahihiyang mamulitika habang patuloy na dumaranas ng mabibigat na hamon ang sambayanang Pilipino.
Naniniwala si Aquino na may tamang panahon para pag-usapan ang 2028, ngunit iginiit niya na dapat unahin ng mga lider na resolbahin ang mga suliranin ng bansa kaysa pulitika.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, sinabi ni Aquino na nananatili siyang nakatuon sa pagsusulong ng mga prayoridad na panukalang batas na direktang makikinabang ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan at mga mag-aaral.
Kabilang dito ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, ang Party-list System Reform Act, ang mga panukalang amyenda sa Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, ang panukalang pagbuwag sa travel tax, at ang mga amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act.
(DANG SAMSON-GARCIA)
13
