TARGET ni KA REX CAYANONG
SA panahon ngayon na mabilis ang pagbabago at unti-unting nakalilimutan ang mga tradisyon, isang mahalagang paalala ang pagkilala ng Lungsod ng Maynila kay Angela “Nene” Lopez Ching.
Aba’y sa pamamagitan ng Resolution No. 46, Series of 2026, pormal na kinilala ng pamahalaang lungsod ang kanyang 15 taong walang sawang suporta at pamumuno sa “Lakbayaw” tuwing Kapistahan ng Sto. Niño de Tondo.
Ang parangal na ito ay hindi lamang para sa isang tao, kundi para sa isang pamilyang nag-alay ng panahon, pagod at puso para sa kultura ng Tondo.
Sa loob ng 15 taon, naging buhay at makulay ang Varona Street sa Tondo dahil sa “Pasiklaban kay Nene Ching Street Dance Festival Competition.”
Hindi biro ang mag-organisa taun-taon ng isang malaking selebrasyon, lalo na kung ito ay nakatuon sa cultural dance, street dancing at tambolero competition.
Ngunit sa pangunguna ni Nanay Nene at ng kanyang pamilya, patuloy na nabigyan ng entablado ang talento ng kabataang Tondo at cultural performers na buong pusong nagtatanghal para sa Poong Sto. Niño de Tondo.
Ang Lakbayaw ay hindi lamang simpleng paligsahan. Ito ay pagpapahayag ng pananampalataya, pagkakaisa at pagmamalaki sa kasaysayan ng Tondo.
Sa bawat indak at bawat hampas ng tambol, buhay ang identidad o pagkakakilanlan ng komunidad.
Dahil sa inisyatibo ng pamilya Ching, nananatiling matatag ang tradisyong ito at mas lalo pang lumakas ang partisipasyon ng mga bata at Kabataan na siyang pag-asa ng susunod na henerasyon.
Hindi rin matatawaran ang suporta ng mga pilantropong sina Don Robert Ching Gaza at Mac-Mac Ching, na naging katuwang sa pagpapatuloy ng programa. Ang kanilang malasakit at pagbibigay ay patunay na kapag may malasakit sa komunidad, may paraan upang maitaguyod ang kultura at tradisyon.
Karapat-dapat lamang na kilalanin ng pamahalaang lungsod, sa pangunguna nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Chi Atienza, at ng mga konsehal na may-akda ng resolusyon, ang sakripisyo at dedikasyon ni Nanay Nene.
Sabi nga, ang 15 taon ng Pasiklaban sa Tondo ay salamin na ang tunay na serbisyo ay hindi nasusukat sa posisyon kundi sa malasakit.
Si Angela “Nene” Lopez Ching at ang kanyang pamilya ay nagsilbing haligi ng tradisyon at pananampalataya sa Tondo.
Mabuhay po kayo at God bless!
9
