HINILING ni Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora sa administrasyon ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang karagdagang pondo para sa flood control projects matapos mapatunayang epektibo ang mga ito sa gitna ng matinding pag-ulan dulot ng shear line na tumama sa malaking bahagi ng Mindanao.
Ayon kay Zamora, malaki ang naitulong ng mga proyekto lalo na sa paligid ng Kalaw Bridge sa kahabaan ng Agusan River sa bayan ng Monkayo, Davao de Oro.
“We’re proud to say na yung ating mga flood control projects dito sa ating distrito ay nakatulong to control the flood,” ani Zamora.
Ikinumpara niya ang sitwasyon noon kung kailan isa hanggang dalawang araw lamang ng tuluy-tuloy na ulan ay agad nang nalulubog ang paligid ng tulay. Sa nagdaang malalakas na pag-ulan, hindi na umano umapaw ang ilog sa nasabing bahagi.
“We can say na nagkaroon ng improvement,” giit pa niya.
Ipinaliwanag ng mambabatas na nagsisilbing catch basin ang Monkayo kung saan nagtatagpo ang rumaragasang tubig mula sa kabundukan, kaya’t likas na binabaha tuwing may matinding pag-ulan.
Gayunman, nagbabala si Zamora na may ilang flood control project pa ang hindi natatapos.
“So ang kinatatakutan namin ay kung sobrang lakas ng ulan at may hindi natapos na proyekto baka bibigay din. Kasi syempre may portion na dun dadaan ang tubig kasi may spaces pa na bakante,” paliwanag niya.
Aminado ang mambabatas na maaaring maapektuhan ang ilang proyekto dahil sa kontrobersiya sa flood control spending, ngunit hinikayat niya ang mga policymaker na magsagawa ng objective assessment batay sa sitwasyon sa bawat lugar.
Sa artikulong “If Flood Control Isn’t a Ghost” na lumabas sa Davao, tinukoy ang First District ng Davao de Oro bilang isa sa may matagumpay na flood mitigation structures na may konkretong resulta.
Itinuturing na vulnerable ang Davao de Oro sa malalakas na pag-ulan dahil sa terrain at river systems nito kaya madalas makaranas ng pagbaha at landslide. Gayunman, kapag maayos ang disenyo at implementasyon ng flood control projects, nagiging tunay itong proteksyon laban sa kalamidad.
(TINA MENDOZA)
1
