SINAMPAHAN sa Korte Suprema ng kasong disbarment ng mamamahayag na si Jaime Gutierrez-Aquino si Chairman George Erwin Garcia at limang iba pang opisyal ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Gutierrez-Aquino, ibinasura umano ng poll body ang kanyang inihaing reklamo “without due process.” Iginiit niyang hindi siya inabisuhan tungkol sa P10,000 filing fee at P100 legal research fee.
“Ang laki-laki ng pondo ng Comelec, bakit naniningil? Kung sa piskalya ko sinampa ang kaso na vote buying o vote selling, o kaya sa Office of the Ombudsman, wala akong babayaran kahit isang sentimo,” aniya.
Kabilang sa mga respondent sina Commissioners Aimee Perolino, Rey Bulay, Maria Norina Casingal, Ernesto Maceda Jr., at Nelson Celis.
Nauna nang naghain si Gutierrez-Aquino, publisher-editor ng Northern STAR, ng reklamong vote buying, vote selling at disqualification laban sa nakatunggaling si Karl Christian Vega, na ngayo’y alkalde ng Mapandan, Pangasinan. Inakusahan niya si Vega na namigay umano ng tig-P3,000 kapalit ng boto at nagbigay rin ng sasakyan sa ilang opisyal ng barangay.
(JULIET PACOT)
45 