RAPIDO ni PATRICK TULFO
ILANG taon na ang nakalipas nang i-expose namin sa “Rapido” ang pagiging abusado at dahilan ng pagkaka-abala ng maraming motorista, itong si Bulacan Governor Daniel Fernando.
Ayon sa mga reklamo na narinig at personal kong nasaksihan, inaabot ng halos 15 minutong nakatengga ang mga motorista sa kalye ng Tabang, Bulacan, Bulacan kapag lalabas na ang convoy ng sasakyan ni Gob.
‘Di pa man nakalalabas ng bahay ay ipinatitigil na ng mga tao ng mahal na Gobernador, ang traffic at bawal kang umandar hangga’t hindi pa ito nakalalabas.
Isipin mo ang nauubos na 10-15 minuto sa paghihintay na lumabas si Gob.
Nakausap namin noon si Gob at personal niyang sinabing pagsasabihan ang mga tauhan niya na magbigay ng konsiderasyon sa ibang motorista.
Ngayon ay mukhang nasasangkot na naman ang pangalan ni Gob. Daniel dahil sa pagharang umano ng kanyang convoy sa umano’y convoy ng isang presidential son.
Mariin mang itinanggi ng Malacañang na presidential son ang sakay ng convoy na pinigil ng mga tauhan ni Gob, hindi mo pa rin maiaalis ang katotohanan na siga ng kalsada ang mga tauhan ng gobernador.
May kasabihan nga, kung ano ang puno ay siya ring bunga. Hindi naman maghahari-harian sa daan ang mga tauhan ni Gob kung alam nilang ayaw ni Gob ng ganoong asal.
Ibig sabihin ay hinahayaan ni Gob ang kanyang mga tao na mang-abala at ‘wag bigyan ng konsiderasyon ang ibang motorista.
Dapat noon pa man ay pinagsabihan na ni Gob ang kayang mga tauhan na hindi sila dapat na maging sanggano sa kalye, dahil sila ay lingkod-bayan. Sila ay dapat huwaran at maging magandang ehemplo dahil pasuweldo sila ng taumbayan.
Si Gob ang salamin ng kanyang mga tauhan, kung ano siya ay ‘yun din ang mga tao niya. Kung abusado ang mga tauhan niya, hindi malayong sabihin na abusado rin si Gob.
2
