BRGY. CHAIRMAN, PAMANGKIN PATAY SA AMBUSH; 2 PA SUGATAN

DEAD on the spot ang isang barangay chairman at ang pamangking babae nang tambangan sila ng hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan, na ikinasugat din ng misis ng opisyal, at isa pang lalaki na kasama sa convoy noong Martes ng gabi sa sa bahagi ng Calaba Bridge sa Bangued, Abra.

Ayon sa inisyal na ulat, pasado alas-6:00 ng gabi nang tambangan at pagbabarilin sa bahagi ng Calaba Bridge, ang convoy nina Barangay Captain Ezequiel Parado, 35-anyos, ng Barangay Collago, Lagayan, Abra, na ikinasawi nito at ang kanyang pamangkin na si Arlene Doria, na residente rin sa nasabing lugar.

Sugatan naman ang misis ng kapitan, na si Sangguniang Bayan member Ailyn Parado ng Lagayan, Abra, at isa pa nilang kasamahang lalaki na kasama sa convoy na kasalukuyang nilalapatan pa ng lunas sa isang pagamutan.

Napag-alaman, tinamaan ng punglo sa dibdib ang barangay chairman habang nasapul naman sa ulo ang kanyang pamangkin.

Sa ibinigay na salaysay ni SB member Parado sa mga awtoridad, habang binabagtas nila ang naturang bahagi ng tulay ay biglang pinagbabaril ang kanilang convoy ng hindi pa nakikilalang armadong mga suspek na lulan din ng isang sasakyan.

Blangko pa ang mga awtoridad sa motibo ng pananambang dahil ayon sa asawa ng nasawi, wala umanong natatanggap na pagbabanta ang kanyang asawa na bukod sa kilalang mabait na tao ay mabuting barangay official na nasa pangalawang termino na sa posisyon.

Tuloy-tuloy ang isinasagawang follow-up investigation ng mga pulis sa nasabing insidente.

(JESSE RUIZ)

1

Related posts

Leave a Comment