CAYETANO: WALANG PILIPINONG DAPAT ISUKO SA IBANG BANSA NANG ‘DI DUMAAN SA ATING KORTE

IGINIIT ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dapat tiyakin ng gobyerno na walang Pilipinong nahaharap sa international arrest warrant ang ipadadala sa ibang bansa nang hindi muna dumaraan sa proseso ng lokal na korte.

Sa pagco-sponsor niya ng Senate Resolution No. 307 na inihain ng Minority bloc noong Pebrero 25, 2026, sinabi ni Cayetano na ang resolusyon ay isang “constitutional safeguard” na nakabatay sa 1987 Constitution.

“Ang pinag-uusapan dito ay ‘pag may biglang aarestuhin na Pilipino, kailangan may pagkakataon siyang pumunta sa Philippine courts to seek remedy,” ani Cayetano.

“If you look at the International Covenant on Civil and Political Rights, naroon din ito. It’s part of the generally accepted principles of international law,” dagdag niya.

Nilinaw ng senador na hindi nakatuon ang resolusyon sa sinomang personalidad.

“Ang substance ng resolusyon na ito ay hindi si dating Pangulong Duterte, na ngayon ay gumugulong na ang kaso at may confirmation of charges. Hindi rin pinag-uusapan dito whether or not we should join or rejoin the ICC,” paliwanag niya.

“This deals with all Filipinos from the time that we articulate the sense of the Senate under our Constitution,” aniya.

Binigyang-diin ni Cayetano na mahalaga ang papel ng korte lalo na kung may international arrest warrant.

Binanggit niyang sa Canada, United Kingdom at South Korea, may domestic legal process muna bago payagang maaresto o maipadala ang isang tao sa ibang bansa.

“Hindi ito simpleng bagay na inatas sa judge. All the jurisprudence will say that the judge has to personally determine, examine the evidence, and believe that there is probable cause,” sabi niya.

Ayon kay Cayetano, hindi lamang ito usapin ng kasalukuyang kontrobersiya kundi maaaring makaapekto sa sinumang opisyal o ordinaryong mamamayan sa hinaharap.

“All of us here agree na pagdating sa West Philippine Sea, hindi natin ipamimigay, atin ito. Sana pagdating sa kapwa Pilipino, atin ‘to, kababayan natin ‘to. ‘Di dapat basta sinusurrender,” giit niya.

Nagbabala pa siya na ang paglaktaw sa lokal na korte ay maaaring magpahina sa proteksyon ng Konstitusyon.

“‘Pag may warrant na hindi issued ng Philippine judge, kailangan dumaan sa korte iyan. Kung hindi, unconstitutional iyan,” ani Cayetano.

Nakatakdang isalang sa interpellations ang resolusyon ngayong Lunes, Marso 2, 2026.

12

Related posts

Leave a Comment