Sa gitna ng bakbakan sa Middle East 45 PH FLIGHTS KANSELADO, NA-DIVERT— CAAP

UMABOT na sa 45 international flights ang nakansela at na-divert mula at patungo sa Pilipinas at Middle East kasunod ng tumitinding tensyon sa rehiyon.

Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), 42 flights ang nakansela habang tatlo ang na-divert batay sa monitoring alas-9:00 ng umaga nitong Lunes, Marso 2.

Halos doble ito sa naunang 23 flights na napaulat na naantala nitong Linggo, Marso 1. Karamihan sa mga kanselasyon ay naganap kahapon kung saan 30 flights ang hindi natuloy.

Kabilang sa mga airline na nagkansela ng biyahe ang Cebu Pacific (2), Philippine Airlines (8), Qatar Airways (2), Gulf Air (1), Etihad Airways (4), at Emirates (6).

Dalawang flight ng Philippine Airlines at isa ng Qatar Airways ang na-divert.

Ayon kay CAAP Director General Ret. Lt. Gen. Raul Del Rosario, nagsasagawa ang ahensya ng maagap na hakbang alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Transportation Secretary Giovanni Lopez upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at crew.

Pinayuhan ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline para sa rebooking, refund at updated flight information.

Repatriation Pahirapan

Samantala, 54 Pilipino sa Israel ang humiling ng repatriation, ayon kay Aileen Mendiola. Kabilang dito ang 32 turista at 22 overseas Filipino workers (OFWs).

Aminado ang embahada na hamon ang paglikas dahil sarado ang airspace at ilang land crossings. Prayoridad na mailikas ang mga turistang stranded.

Apektado rin ang pagpapauwi sa labi ng nasawing Pinay caregiver na si Mary Ann Velasquez de Vera dahil sa kasalukuyang sitwasyon.

Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs, tinatayang nasa 2.5 milyong Pilipino ang nasa Middle East, karamihan sa United Arab Emirates, Saudi Arabia at Qatar, habang may humigit-kumulang 800 sa Iran.

(JESSE RUIZ)

2

Related posts

Leave a Comment