21 PERSONS OF INTEREST SA HAZING SA CAVITE

TINATAYANG nasa 21 indibidwal ang mga suspek at persons of interest sa hazing sa 19-anyos na estudyante sa General Trias, Cavite.

Ayon kay Cavite Police Provincial Office Director Police Colonel Ariel Red, nananatili sa kustodiya ng General Trias City Component Police Station ang driver na siyang nagdala sa biktima sa ospital.

Aniya, walang katotohanan ang ulat na pinalaya ang naturang driver, binigyan lamang umano ito ng pagkakataong kumuha ng sariling abogado.

Nakatakda namang isailalim ito sa inquest proceedings sa Dasmariñas City Prosecutor’s Office nitong Miyerkoles, dahil sa paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018.

Batay sa paunang imbestigasyon, lumitaw na isa ang driver sa siyam na indibidwal na may direktang partisipasyon at itinuturing na mga suspek.

Ang driver din umano ang huling nakasama ng biktima bago ito nasawi at naroon sa lugar kung saan isinagawa ang hazing.

Lumitaw din sa isinagawang imbestigasyon, na sa isang open field sa Langkaan 1, Dasmariñas isinagawa ang hazing.

Sa ngayon ay nasa 21 indibidwal ang iniimbestigahan ng pulisya, siyam ang tinutukoy na may direktang partisipasyon habang 12 naman ang itinuturing na persons of interest.

Batay sa medico-legal report ng Regional Forensic Unit 4A, ang sanhi ng pagkamatay ng estudyante ay severe blunt force trauma to the lower extremities.

Nagsagawa na ng pursuit operation ang pulisya sa bahay ng mga suspek at posibleng kanilang pinagtataguan subalit wala ang mga ito sa address na ibinigay.

(TOTO NABAJA)

39

Related posts

Leave a Comment