2 IMPEACHMENT COMPLAINT VS VP SARA ‘SUFFICIENT IN SUBSTANCE’

UUSAD na sa presentasyon ng ebidensya ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte matapos ideklara ng House Committee on Justice na “sufficient in substance” ang ikatlo at ikaapat na reklamo.

Parehong nakakuha ng 54 boto pabor, isa ang tutol at walang abstention ang reklamong inihain nina Fr. Joel Saballa at Atty. Nathaniel Cabrera.

Ang ikatlong reklamo, inendorso ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, ay nakasentro sa umano’y ilegal na paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, korapsyon sa Department of Education noong kalihim pa si Duterte, at pagbabanta umano sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ang ikaapat na reklamo, inendorso nina Deputy Speaker Paolo Ortega V at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., ay tumutukoy naman sa umano’y unexplained wealth at hindi tamang pagdedeklara sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Ipinaliwanag ni House Justice panel chair Gerville Luistro na ang desisyon ay hindi hatol kundi hakbang para umusad ang proseso.

“Both complaints, having been declared sufficient in substance, allow for the filing of affidavits and counter-affidavits,” ani Luistro.

Inaatasan si Duterte na magsumite ng sagot sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng abiso. May tatlong araw ang complainants para mag-reply at tatlong araw din para sa rejoinder ng Bise Presidente.

Susunod na pagdadaanan ang “sufficiency in grounds” at pagtukoy ng probable cause bago bumoto sa committee report na ihahain sa plenaryo.

Nilinaw ni Luistro na maaaring ma-impeach ang isang opisyal kahit ang alegasyon ay naganap noong siya ay kalihim pa ng isang ahensya.

“The Constitution speaks to the office—not the label,” diin niya, kasunod ng tanong ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.

Dagdag pa ni Luistro, “Public trust is indivisible… Isang opisyal, isang pananagutan.”

Samantala, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi makikialam si Pangulong Marcos at nais lamang nitong masunod ang proseso at Konstitusyon.

Hindi rin aniya nila napag-usapan nang personal ang nasabing pagdinig dahil nakita naman aniya ng sambayanan kung gaano kaabala ang Pangulo.

“Nagkaroon po talaga ng special Cabinet meeting as early as 9:00 in the morning kahapon at iyon pong pagpapatawag ng Pangulo ng isang presscon ay biglaan din po iyon dahil kinakailangan niya pong mag-ulat sa ating mga kababayan. So, sa ngayon po ay hindi po namin napag-uusapan ang patungkol sa hearing sa Committee on Justice regarding sa impeachment complaint laban kay Bise Presidente,” aniya pa rin.

(TINA MENDOZA/CHRISTIAN DALE)

49

Related posts

Leave a Comment