NILINAW ni Sonny Angara, kalihim ng Department of Education (DepEd), na hindi kabilang ang mga klase sa public schools sa ipatutupad na four-day work week sa ilang tanggapan ng pamahalaan.
Batay sa kumpirmasyon ni Angara noong Marso 7, nananatiling limang araw ang pasok ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan.
Gayunman, saklaw aniya ng nasabing kautusan ang mga opisina ng DepEd.
Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pansamantalang pagpapatupad ng four-day work week sa ilang tanggapan ng ehekutibo simula Marso 9 bilang bahagi ng contingency measures ng gobyerno kaugnay ng krisis sa Gitnang Silangan.
Nilinaw ng Pangulo na hindi saklaw ng patakaran ang mga ahensiya na nagbibigay ng emergency at essential services tulad ng pulisya, bumbero, at iba pang frontline public services.
Ipinagbawal din ng Pangulo ang mga hindi kinakailangang government travel at aktibidad tulad ng study tours, team-building activities, at mga pulong na maaari namang isagawa online.
Nanawagan din si Marcos sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na magtipid sa resources at bawasan ang konsumo ng kuryente at petrolyo ng 10 hanggang 20 porsyento.
Inatasan din niya ang Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at Overseas Workers Welfare Administration na tiyaking tuloy-tuloy ang koordinasyon upang matulungan ang mga Pilipinong nasa mga bansa sa Gulf.
“Nasimulan na ang paglikas ng mga Pilipino na nais magpa-repatriate at sa oras na ligtas na ang pagbiyahe ay maililikas na natin silang lahat,” ayon sa Pangulo.
(CHRISTIAN DALE)
169 