NASABAT ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang 17,500 gramo ng shabu na itinago sa loob ng crystal resin countertops.
Ang smuggled shabu na may halagang P119 milyon na nagmula sa sa Las Vegas, ay dadalhin sana sa Makati City ngunit naharang ng mga tauhan ng BOC-Port of Clark, at PDEA, katuwang ang Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID).
Bago ang isinagawang anti-narcotics operation, nakatanggap ng intelligence information ang BOC mula sa PDEA kaya agad na isinailalim sa X-ray scanning ang natukoy na parsela na nagpakita ng kahina-hinalang imahe.
Ang kargamento, na nagmula sa Las Vegas at nakatakdang ipadala sa Makati City, ay na-flag base sa derogatory information na ibinigay ng PDEA. Isinailalim ang parsela sa X-ray scanning na nagpakita ng kahina-hinalang imahe na nag-udyok ng masusing inspeksyon.
Sa isinagawang K9 sweep ng PDEA anti-drug dogs, at 100% physical examination, natuklasan ang dalawang resin blocks na naglalaman ng puting kristal na substansiya.
Sa laboratory analysis ng PDEA, napatunayan na ito ay methamphetamine hydrochloride (shabu), na itinuturing na mapanganib na droga sa ilalim ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Jairus S. Reyes laban sa kargamento dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (R.A. 10863) kaugnay ng R.A. 9165.
Pinuri ni Reyes ang mabilis na aksyon at koordinasyon ng mga tauhan ng Customs at partner agencies sa nasabing insidente.
Binigyang-diin naman ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng matibay na ugnayan at pagbabahagi ng impormasyon sa pagitan ng enforcement agencies partikular ang PDEA, upang mapanatiling ligtas ang mga hangganan at mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang proteksyon sa hangganan at paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga.
(JESSE RUIZ)
131 