EDITORIAL
NOONG 1973 oil crisis, namahagi o nagbigay ng rasyon ang pamahalaan ng regular at premium gasoline sa mga may-ari ng sasakyan at iba pang gumagamit ng produktong petrolyo.
Nagkaroon ng krisis sa produktong petrolyo matapos magdeklara ang Arab Oil Petroleum-Exporting Countries (OPEC) ng oil embargo simula Oktubre 1973.
Ang paghihigpit ng OPEC oil exports at produksyon ay bunsod ng pagputok ng ikaapat na giyera ng Arab at Israel.
Ang hakbang ng Pilipinas ay parte ng mahigpit na hakbang upang tipirin ang limitadong supply ng enerhiya.
Sa panahon pa rin ng martial law, ipinatupad ni President Ferdinand Marcos Sr. Ang Daylight Saving Time (DST) mula Marso 28 hanggang Hunyo 7, 1977 bilang bahagi ng pagtitipid sa enerhiya.
Ang orasan ay isinulong ng isang oras o abante sa standard time upang magamit ang mas maraming liwanag ng araw sa trabaho.
Ang DST ay pinalawig hanggang Setyembre 21, 1977.
Ngayon, panibagong krisis na naman sa langis ang papasanin ng mga Pilipino. Dahil sa kaguluhan sa Gitnang Silangan, naaapektuhan ang supply ng langis at tumataas ang presyo nito sa buong mundo.
May mga inisyatibong inilahad si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang makatipid ng enerhiya sa panahon ng giyera sa Middle East.
Inaprubahan na ni Marcos ang apat na araw na lamang na pagtatrabaho sa isang linggo bilang bahagi ng pagtitipid sa gasolina simula ngayon, Marso 9.
Hindi kabilang dito ang mga tumutugon sa emergency, gaya ng pulis, bumbero, at mga opisina na nagbibigay ng pangunahing serbisyo sa publiko.
Iniutos din niya sa mga opisina ng pamahalaan na tapyasin ang gastos sa kuryente at petrolyo ng 10 hanggang 20 porsyento at itigil ang mga hindi kailangang biyahe.
Madaling mag-utos pero malamang hindi mabilis ang pagsunod.
Ngunit ang higit na nangingibabaw sa epekto ng sigalot sa Middle East ay ang pangamba ng publiko sa napipintong pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo, at ang kasapatan ng naturang produkto, kahit pa tiniyak ng Department of Energy (DOE) na may sapat na fuel supply.
Sabi ni Pangulong Marcos Jr., hindi natin alam kung kailan matatapos ang kaguluhan sa Middle East. Biktima tayo ng giyera na hindi natin pinili o ninanais. Hindi natin kontrolado ang digmaan, pero kontrolado natin kung paano natin poprotektahan ang Pilipino.
Tiwala ang Pangulo na mananaig ang mga Pilipino sa mga kahirapan, ngunit kailangang ipakita ng pamahalaan na seryoso ito sa mga hakbang at aksyon na magbibigay ng proteksyon sa publiko. Tiwala rin ng mga Pilipino ang sukli sa isang nananalig.
Kailangang malapatan ng agarang solusyon ang krisis sa presyo ng produktong petrolyo upang mahadlangan ang negatibong epekto nito sa mga bilihin at serbisyo.
Higit na kailangan ng mga Pilipino ang proteksyon laban sa giyera sa kahirapan.
198 