UMUWING MAHIGIT 300 PINOYS GALING DUBAI, EFFORT NG UAE, ‘DI NG PHIL. GOV’T?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAY lumabas na isyu ngayon na inaangkin daw ng kasalukuyang administrasyon ang umuwing mahigit sa 300 Pinoys mula sa Dubai na sakay ng eroplano ng United Arab Emirates (UAE), sinabing sila ay bahagi ng repatriation program ng pamahalaan?

Ito ay taliwas sa katotohanan dahil mismo ang pamahalaan ng UAE ang gumawa ng hakbang para mapauwi sa Pilipinas ang mga Pilipino na na-stranded sa kanilang bansa.

Kung mayroon mang iilang OFWs na naisama sa biyahe pauwi sa Pinas, sila ay pawang may mga ticket na ngunit na-stranded sa nabanggit na bansa.

Karamihan sa mga ito ay pawang nagtungo lang sa Dubai para sa isang seminar na dinaluhan ngunit naipit sa pagputok sa giyera sa pagitan ng Israel, Amerika at Iran. Hindi sila mga nagtatrabaho o OFWs sa Middle East.

Hanggang ngayon, maraming OFWs na gusto nang makauwi sa Pilipinas dahil sa takot na baka madamay sila sa kaguluhan sa Middle East.

Sa katunayan, wala pang commercial o private plane na pinapayagan na makalipad sa himpapawid ng Middle East na apektado ng giyera dahil mapanganib sa mga nagliliparang rocket mula sa magkabilang panig ng Israel, Amerika at Iran.

Maraming Pinoy na ang natatakot at ang iba ay nagreklamo na kina Senator Raffy at Erwin Tulfo, na wala umanong sumasagot sa kanilang mga tawag sa Philippine Embassy sa Bahrain at iba pang bansa sa Middle East.

Hindi malaman ng mga OFW kung ano ang kanilang gagawin sa patuloy na bombahan ng nag-aaway na mga bansa.

Kaya sinabi ni Sen. Erwin Tulfo sa mga empleyado ng mga embahada ng Pilipinas sa mga bansang apektado ng giyera sa Middle East, na kung ayaw nilang magtrabaho at magserbisyo sa mga OFW, ay magsipag-resign silang lahat.

Ngayon sila kailangan ng mga kababayan natin sa abroad, sila pa ang nauunang magtago sa mga lungga kaysa tugunan ang paghingi ng saklolo ng mga OFW, dagdag pa ng senador.

Isa sa kinapanayam ni Cheryl Cosim ng TV 5, ang isang domestic helper na sinabing tumawag siya sa embahada ng Pilipinas sa Bahrain ngunit hindi siya inasikaso ng isang empleyado na kausap niya.

Dismayado ang ating mga kababayang nasa Middle East sa kawalang matibay na aksyon ng pamahalaan sa mga nangangailangang OFWs.

Kawawang OFWs, tinagurian pa man din silang mga Bagong Bayani ng Bayan, pero sila ay pinababayaan ng pamahalaan ng Pilipinas.

Sabi tuloy ng isang OFW sa Middle East na nakausap ng PUNA, dapat ang tawag sa kanila ay mga “Bagong Gatasan ng Bayan” hindi mga “Bagong Bayani ng Bayan” dahil ang kanilang ambag na buwis sa gobyerno ay ninanakaw ng matataas na opisyal ng Pilipinas.

Hinala nila, kaya walang nagagawa ang kasalukuyang administrasyon para sa repatriation ng OFWs, dahil hindi alam kung saan nila kukunin ang gagastusin sa pagpapauwi sa mga kawawang kababayan natin na nagsusunog ng kanilang balat sa Middle East para lang makatulong sa kanilang pamilya at sa ekonomiya ng bansa.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

95

Related posts

Leave a Comment