INKLUSIBONG PILIPINAS ISINUSULONG NI VILLAR: SUPORTA SA NATIONAL AUTISM CARE TINIYAK

SUPORTADO ni Senator Mark Villar ang pagpasa ng Senate Bill No. 1822, o ang National Autism Care, Support, and Inclusions Act, sa ikatlong pagbasa.

Binigyang-diin niya na ang panukalang batas ay isang mahalagang tulong para sa tinatayang 1.2 milyong Pilipino na nasa autism spectrum. Ipinapakita ng datos na habang isa (1) sa bawat isang daan (100) Pilipino ang nasa spectrum, karamihan sa mga na-diagnose ay matatagpuan sa mga urban hub tulad ng Metro Manila at CALABARZON. Dahil dito, maraming pamilya sa mga rural na lugar ang nahihirapang makakuha ng mga serbisyong medikal tulad ng maagang diagnosis, screenings, at interventions.

“Maraming pamilyang Pilipino ang may limitadong access sa mga espesyalista, intervention mechanisms, at mga therapy na makatutulong sana upang maibsan ang kondisyon ng kanilang mga mahal sa buhay,” pahayag ni Villar.

Layunin ng panukalang batas na itatag ang isang pambansang programa na magtitiyak na ang mga taong may Autism Spectrum Disorder (ASD) at ang kanilang mga pamilya ay hindi na mas lalong mabibigatan sa gastos para sa espesyal na pangangalaga. Nilalayon ng SB No. 1822 na gawing pamantayan ang abot-kayang paggamot at mga care plan, tiyakin ang inklusibong edukasyon at mga oportunidad sa trabaho, at palawakin ang tulong ng pamahalaan para sa mga pamilya at tagapag-alaga ng mga taong may ASD.

“Ako ay nagpapasalamat na naaprubahan ang panukalang batas na ito… sapagkat sa pamamagitan nito ay makapagbibigay tayo ng marangal at sapat na access sa mga programang panggagamot at care plan para sa mga taong may Autism Spectrum Disorder (ASD). Sa pag-apruba ng panukalang ito, naipapakita rin natin ang kinakailangang suporta sa kanilang mga pamilya na patuloy na nagsisikap na matugunan ang kanilang mga pangangailangan,” diin ni Senador Mark Villar.

Hiniling din ni Sen. Villar ang agarang pagpasa ng panukalang batas, na aniya’y makatutulong upang maisulong ang bansa tungo sa mas inklusibong lipunan.

(Danny Bacolod)

52

Related posts

Leave a Comment