NAGHAHANAP na ang Pilipinas ng ibang bansa na mapagkukunan ng langis sa gitna ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Sa panayam ng media sa New York City, sinabi ng Pangulo na kasalukuyang nakikipag-usap ang gobyerno sa mga bansang hindi karaniwang pinagbibilhan ng Pilipinas ng langis.
“In terms of supply, we are in good shape. Not only do we have inventory in the Philippines, we also are awaiting some supplies that are already in transit,” ani Marcos.
“We are talking to many other countries whom we normally do not buy oil from, but hopefully we will be able to come to an agreement with them,” dagdag pa niya.
Ayon sa Pangulo, malaking hamon sa suplay ng langis ang “volatility” ng labanan sa Gitnang Silangan at hindi pa tiyak kung hanggang kailan ito tatagal.
Nauna nang tiniyak ni Marcos na may sapat na suplay ng petroleum products ang bansa na maaaring tumagal ng 50 hanggang 60 araw.
Inamin din ng Pangulo na may hindi maiiwasang epekto sa presyo ng mga bilihin ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Aniya, umabot sa $100 kada bariles ang presyo ng langis ngunit bumaba ito sa $90 noong Martes, na aniya’y nagbibigay ng mas malaking pagkakataon sa gobyerno na makapaglaan ng subsidy sa mga apektadong sektor.
(CHRISTIAN DALE)
122 