NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) na pag-aralan ang pagpapatupad ng price cap sa liquefied petroleum gas (LPG) sa gitna ng nakaambang pagtaas ng presyo nito sa Abril.
Ayon kay Gatchalian, inaasahang tataas ng P35 hanggang P40 ang presyo ng kada 11-kilong tangke ng LPG, na maaaring magtulak dito sa pinakamataas na antas sa kasaysayan. Aniya, magdudulot ito ng dagdag na pasanin sa mga karaniwang konsyumer at maliliit na negosyante.
Binigyang-diin ng senador na mahalagang tiyakin ng DOE at DTI ang sapat na suplay ng LPG at mahigpit na pagbabantay sa galaw ng presyo nito sa merkado.
Dagdag pa niya, kung mapatutunayang hindi makatwiran ang pagtaas, dapat isaalang-alang ang pagpapatupad ng price ceiling bilang proteksyon sa publiko.
Paliwanag ni Gatchalian, pinapayagan sa ilalim ng Republic Act 10623, na nag-amyenda sa Price Act o RA 7581, ang pagtatakda ng price cap sa panahon ng emergency upang maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Iginiit din niya na ang LPG ay isang pangunahing pangangailangan sa mga tahanan at maliliit na negosyo gaya ng mga karinderya.
Kaya naman, anomang hindi makatarungang pagtaas sa presyo nito ay direktang makaaapekto sa kabuhayan at sa presyo ng pagkain para sa mga Pilipino.
(DANG SAMSON-GARCIA)
66 