IPINAGDIRIWANG mula Marso 1 hanggang 31 ang National Women’s Month, kung saan kinikilala ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang mahalagang papel at kontribusyon ng kababaihang Pilipino sa lipunan.
Hindi lamang simpleng selebrasyon, kundi isang makabuluhang pagpupugay ito sa husay, lakas, at dedikasyon ng kababaihan—mula sa tahanan hanggang sa mga tanggapan ng gobyerno. Sa araw-araw na operasyon ng mga opisina, hindi matatawaran ang ambag ng kababaihan na nagsisilbing inspirasyon at sandigan ng kanilang mga kasamahan.
Kung wala ang kababaihan, tila kulang ang sigla sa opisina at maging sa tahanan. Sila ang tinaguriang “ilaw ng tahanan” na nagbibigay liwanag at direksyon sa bawat pamilyang Pilipino.
Ngayong 2026, tampok ang temang “WE for Gender Equality and Inclusive Society,” na bahagi ng 2023–2028 campaign banner, kasama ang sub-theme na “Lead like the Babaylans, Filipinas!”—isang panawagan sa sama-samang pagkilos at pagpapalakas sa liderato ng kababaihan na nakaugat sa ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Kasama sa larawan ang mga babae sa likod ng pahayagang SAKSI Ngayon.
Ayon sa Philippine Commission on Women, layunin ng selebrasyon na ipaalala ang karapatan ng kababaihan sa pantay na oportunidad sa lahat ng larangan. Sa kanilang pahayag, hinikayat ang bawat Pilipina na yakapin ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng “LEAD”: palayain ang sarili sa limitasyon, gamitin ang kapangyarihan upang magbigay-lakas sa iba, ipahayag ang boses nang may tapang, at ialay ang talento sa pagbuo ng Bagong Pilipinas at ASEAN.
Binibigyang-diin din na ang pamumuno ng kababaihan ay hindi bago kundi nakaugat sa kasaysayan ng mga Babaylan, na sumisimbolo sa lakas, karunungan, at malasakit sa kapwa at bayan.
Sa larangan ng pulitika ay nariyan sina Vice President Sara Duterte at yumaong Sen. Miriam Defensor-Santiago. Kinikilala naman ang husay ni Nora Aunor o Ate Guy sa larangan ng showbiz habang sa sports ay nagniningning ngayon si Pinay tennis player Alex Eala at Olympics Gold Medalist Hidilyn Diaz sa weightlifting category.
Mabuhay ang diwa ng Babaylan! Mabuhay ang kababaihang Pilipino!
(JOEL O. AMONGO)
Vice President Sara Duterte
Sen. Miriam Defensor-Santiago
Olympics Gold Medalist Hidilyn Diaz sa Weightlifting Category
115 







