BAGONG MUKHA NG PORK BARREL

SYANONG DETEKTIB 

TULAD ng sakit na tuberculosis ang katiwalian sa pamahalaan. Pati ang buwanang kontribusyon sa Pag-IBIG Fund ng mga manggagawang Pilipino, namumurong mapurnada.

Dangan naman kasi, “isinugal” ng Pag-IBIG Fund ang pondong nakalaan bilang pautang sa mga miyembrong nangangarap makapagpundar ng sariling tahanan.

Una nang sumingaw ang bulilyaso sa transaksyon sa pagitan ng EEI Corp. at ng RYM Business Management Corporation na pag-aari ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Binili ng RYM ni Romualdez, sa halagang P1.2 bilyon ang 20 percent shares ng EEI noong kalagitnaan ng 2023. Matapos ang ilang buwan, pilit ibinebenta pabalik sa naturang kumpanya ang shares of stocks sa halagang P3.75 bilyon.

Ang siste, lugi at baon sa utang ang EEI Corp., kaya hindi umubra ang “buyout offer” ni Romualdez sa EEI. Pero tulad ng isang henyo, palaging may solusyon si Romualdez. Sa madaling salita, may tumulong sa EEI para makalikom ng salaping pambayad sa “buyout offer” ng noo’y Speaker ng Kamara.

Batay sa impormasyong ibinahagi ng isang dating board member ng Pag-IBIG Fund, nag-invest ng P6 bilyon ang ahensya sa naluluging kumpanya. Kasama sa naturang halaga ang P1-bilyong “provident fund” ng mga empleyado ng Pag-IBIG. Ang lumagda sa transaksyon — si Marilene Acosta na tumatayong president at chief executive officer ng Pag-IBIG.

Walang masama sa pamumuhunan ng Pag-IBIG sa negosyo, pero dapat aprubado ng board of directors. Kailangan din dumaan sa risk evaluation para masigurong kikita ang pondong mula sa buwanang kontribusyon ng mga manggagawa.

Paano nagawa ni Romualdez na hikayatin si Acosta? Sa mga panahong ‘yun, katangi-tangi ang tikas ni Romualdez. Bukod sa pagiging House Speaker, pinsan pa siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang ginamit na tulay — ang kaalyadong TUCP party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza na pinsan ng kanyang asawang si Yedda. Si Mendoza naman, inilapit ang lambing ng noo’y House Speaker sa isang “kasama sa pakikibaka” na nakapwesto sa Pag-IBIG.

Ang militanteng lider-obrerong tinutukoy naman ang tumayong kasador. Kung anoman ang “cashunduan,” ‘yan ang hindi pa natin alam.

Kung ikukumpara ang nangyari sa Pag-IBIG, malaki ang pagkakahawig nito sa Overseas Workers Welfare Administration sa panahon ng panunungkulan ni Arnel Ignacio na sinampahan ng kaso matapos sibakin sa pwesto bilang OWWA administrator dahil sa pagbili ng lupa sa halagang P1.4 bilyon nang hindi pina-aprubahan sa OWWA board.

Maging si Government Service Insurance System (GSIS) President Arnulfo Veloso ay kinastigo ng anim na buwang suspension dahil sa inilagak na P1.8 bilyong kapital sa Alternegy, isang kumpanyang kilala sa larangan ng renewable energy.

Bukod sa ilegal ang transaksyon ng Pag-IBIG sa EEI, nalagay sa kompromiso ang programang pabahay ng administrasyong Marcos. Dangan naman kasi, parang walang pag-asang mabawi man lang ng ahensya ang pondong inilagak sa naluluging kumpanya.

Ang tanong — bakit walang kibo ang Palasyo?

91

Related posts

Leave a Comment