AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
MUKHANG mauulit ang nangyari noong nagkaroon ng COVID-19 pandemic at ipinatupad ang tinatawag na work from home para maiwasan ang hawaan ng nasabing virus sa mga Pilipino.
Ngayon dahil sa krisis na dulot ng giyera sa Gitnang Silangan ay pinag-aaralan ng pamahalaan ng Pilipinas na ibalik ang work from home para maibsan naman ang epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin, pamasahe at iba pang serbisyo.
Si Sen. Erwin Tulfo ay iminungkahi na ibalik ang work from home program ng mga pribadong kumpanya at pamahalaan para makatipid ang mga manggagawa.
“Kung hindi naman kailangan ang pisikal na presensya o aktibidad ng manggagawa sa trabaho, bakit ‘di na lang mag-report online?” ayon sa senador.
“Halimbawa ang mga nasa opisina sa planning, research, admin, customer service at iba pang kahalintulad na trabaho ay pwede na mag-work from home,” banggit pa niya.
Ayon sa mambabatas, nagawa naman ito noong pandemic at epektibo naman daw maging ang pagtuturo nang online sa mga mag-aaral noong panahon ng COVID-19.
“Maging ang medical consultation at check-up nagawa sa online ng mga doctor noong pandemic. Bakit hindi gawin na naman ngayon?” tanong pa niya.
“At kung kailangan ang presensya sa trabaho tulad sa manufacturing, hotel at restaurant, o sa ospital pwedeng isang sasakyan na lang ang mga magkakatrabaho at hati-hati na lang sa gas,” dagdag pa ng mambabatas.
Maaari rin daw mag-book ang mga magkaka-opisina sa ride hailing app at hati-hati na lang sa pamasahe.
“Napapansin ko na tila dumarami ang stranded na mga pasahero sa lansangan these days dahil kumukunti ang mga bumibiyahe na PUVs dulot ng mahal na presyo ng petrolyo,” pahabol pa ni Tulfo.
“With these steps that we have tried before makakatipid ang mga manggagawa,” anang mambabatas.
May punto ang sinasabi ni Sen. Tulfo, kinakailangan na lamang maging wise ang mga Pilipino at gumawa ng sariling diskarte kung paano makatitipid sa panahon ng krisis tulad ngayon.
Wala rin tayong kapangyarihan na maipatigil ang sigalot sa pagitan ng Israel, Amerika at Iran.
Ang pinakamagandang magagawa ng mga tao ay sabay-sabay tayo magdasal na hindi na magtagal ang giyera sa Gitnang Silangan.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
86 