‘DI PATAS NA PAGTRATO SA IMPEACHMENT VS PBBM, VP SARA DUTERTE

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MARAMING naka-PUNA sa magkaibang pagtrato sa impeachment complaint laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Vice President Inday Sara Duterte ng House Committee on Justice ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ang impeachment kay PBBM ay agad na dinesisyunan ng House Committee on Justice na “insufficient in form and substance.”

Sinasabing wala raw basehan ang dalawang reklamo para ma-impeach si PBBM.

Unang sinampahan ng dalawang impeachment complaint si PBBM, at kasunod nito ay apat naman ang isinampang impeachment laban kay VP Duterte.

Tatlong impeachment sana ang ihahain laban kay PBBM, subalit hindi tinanggap ang reklamo ni Mike Defensor et al.

Ginawang dahilan ng Office of the House Secretary General na wala ang kanilang boss na si Atty. Cheloy Garafil.

Alam ng mga Pilipino kung anong dahilan kung bakit hindi tinanggap ang reklamo nina Defensor dahil matibay ang kanilang basehan para masibak si PBBM sa kanyang pwesto na hiram lang sa taumbayan.

Marahil kasama sa nakapaloob sa reklamo nina Defensor ay ang pagkidnap kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na sapilitang isinakay sa eroplano ng PBBM administration para dalhin sa International Criminal Court (ICC), The Hague, The Netherlands ang tatay ng mga Pilipino.

Gayundin ang paglagda ni PBBM sa pinakakorap na budget sa kasaysayan ng bansa, ang 2025 National Budget, at pagkanta ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na si PBBM mismo ang utak sa korupsyon sa gobyerno.

Dati-rati ayaw nilang pauwiin si Co, subalit nang simulan silang ibulgar ay gusto na nila itong pabalikin sa bansa, bakit para patahimikin nila?

Kasama rin sa itinuro ni Zaldy Co ay sina Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at Martin Araneta na idinadawit sa usapin ng imported na agri-products.

Hindi itinatanggi ni PBBM na may korupsyon sa ilalim ng kanyang pamumuno na nagsimula noong 2023, 2024 hanggang 2025.

Tapos ang bilis ng desisyon ng House Committee on Justice na nagdeklarang walang matibay na basehan ang impeachment laban kay Junjun Marcos?

Mismong ang tao nilang si Zaldy Co ang nagsabi na may P100 bilyong insertion si PBBM at inihatid sa kanya ang P25-B na katumbas ng 25% komisyon nito, tapos sasabihin nilang walang basehan ang reklamo?

Paano nga namang iimbestigahan ng Kamara ang impeachment laban kay Junjun Marcos eh may mga kongresistang nahatiran din ng male-maletang pera ng 18 dating mga sundalo kamakailan? Magkakalaglagan sila ‘pag nagkataon.

Maging ang paglutang ng 18 dating mga sundalo ay kinukuwestiyon nila ang kredibilidad, na ang akusasyon ay nagkakatugma sa mga sinabi nina Zaldy Co at Mst Sgt. Orly Guteza.

Samantala, si Ramil Madriaga na siya lang ang nag-aakusa kay VP Sara at nakakulong pa, ay pinagkakatiwalaan nila at hindi kinukuwestiyon ang kredibilidad.

Mismong ang PNP na ang nagsabi na si Ramil Madriaga ang lider ng Madriaga kidnap for ransom group na nalansag ng pulisya, ilang taon na ang nakalilipas.

Sabi pa ni Atty. Levy Baligod, abogado ng 18 dating mga sundalo, na wala nang maaasahan ang mga Pilipino sa gobyerno dahil sa rami nang nahatiran ng male-maletang pera.

Sa rami at matibay na mga basehan laban kay Junjun Marcos agad nilang dinismis ang impeachment, samantalang ang impeachment kay VP Sara Duterte na sobrang hina ng ebidensya, ay ipinagpapatuloy ang pagdinig sa Kamara.

Sino nga ba si Rep. Jinky Luistro, chairman ng House Committee on Justice at kinatawan ng Batangas? Siya lang naman ang nagsasabi na kung hindi dahil kay dating Speaker Martin Romualdez ay walang barangay roads, AICS, at TUPAD.

At sino rin si Bicol Saro Rep. Terry Ridon na maingay ngayon sa Kamara sa SALN ni VP Sara? Siya lang naman ang sinibak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Presidential Commission on Urban Poor (PCUP) dahil sa madalas na pagbiyahe nito sa ibang bansa. Dapat pa ba silang pagkatiwalaan ng mga Pilipino?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa operario@gmail.com.

119

Related posts

Leave a Comment