P15-B DOJ BUILDING SA PARAÑAQUE, MAGAGAMIT NA NGAYONG 2026

LILIPAT sa Parañaque City ang bagong gusali ng Department of Justice (DOJ) ngayong 2026 na nagkakahalaga ng P15 bilyon.

Ito ang kinumpirma ni Justice Secretary Frederick Vida sa kanyang 100-day report, kung saan sinabi niyang ililipat ang pangunahing tanggapan mula Padre Faura, Maynila patungo sa Aseana Avenue.

Ani Vida, magsisilbing sentrong tanggapan ang bagong gusali para sa iba’t ibang opisina kabilang ang Office of the Secretary, National Prosecution Service, at iba pang legal units.

Matatagpuan ang bagong DOJ complex malapit sa mga tanggapan ng Bureau of Immigration (BI), National Bureau of Investigation (NBI), at Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Mas bibilis ang ugnayan at koordinasyon ng mga ahensya,” ani Vida.

Ang gusali ay dating pribadong ari-arian na binili ng GSIS at kilala bilang “Centrium,” isang compound na may dalawang tore—isa para sa DOJ at isa para sa DILG na kasalukuyang inaayos.

Inaasahang maililipat ang central offices ng DOJ at DILG sa loob ng taon, habang mananatili naman sa Maynila ang ilang tanggapan tulad ng Witness Protection Program.

(JULIET PACOT)

60

Related posts

Leave a Comment