P705-M PEKENG PABANGO, NASABAT SA SINALAKAY NA BODEGA

NASAMSAM ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P705 milyong halaga ng pekeng pabango at kosmetiko sa isang bodega sa Valenzuela City.

Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno matapos makatanggap ng intelligence report hinggil sa ilegal na aktibidad.

Pinangunahan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS), katuwang ang Philippine Coast Guard at Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group ang raid.

Sa inspeksyon, tumambad ang samu’t saring pekeng produkto na ginaya mula sa kilalang international brands tulad ng Dior, Chanel, Gucci, Versace, Prada, Yves Saint Laurent, Calvin Klein, Bulgari, Giorgio Armani, Lacoste, Ralph Lauren, Paco Rabanne, Issey Miyake, Jo Malone, Davidoff, Lanvin at Victoria’s Secret.

Ayon kay Nepomuceno, mabilis na aksyon ang susi upang hindi maitago o mailipat ang mga pekeng produkto.

Dinala na sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga nakumpiskang item para sa beripikasyon at pagsusuri.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7394 habang patuloy pa silang pinaghahanap ng mga awtoridad.

(JESSE RUIZ)

61

Related posts

Leave a Comment