PATULOY ang pagtulong ng Philippine Air Force (PAF) sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa pag-apula ng nagliliyab na sanitary landfill sa Navotas.
Naging malaking hamon sa mga bumbero ang operasyon, lalo na sa gabi, dahil sa mababang lebel ng tubig-dagat na nagiging sagabal sa reinforcement efforts.
Simula pa Sabado, nag-deploy na ang PAF ng dalawang helicopter para sa heli-bucket operations—pagbuhos ng tubig mula sa himpapawid upang makontrol ang pagkalat ng apoy.
Kahapon, muling pinakilos ang Sokol, Super Huey, at Black Hawk helicopters na may nakakabit na “Bambi bucket” para sa aerial firefighting, katuwang ang ground firefighters na dalawang araw nang nakatutok sa insidente.
Nilinaw naman ng lokal na pamahalaan ng Navotas na hindi na nila pag-aari ang landfill, na matagal nang isinara noong Agosto matapos mag-expire ang prangkisa ng Philippine Ecology Systems Corporation.
Ayon sa Navotas City DRRMO, matatagpuan ang landfill sa isang isla na may layong 2.6 kilometro mula sa residential areas, habang patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.
(JESSE RUIZ)
89 