HUSTISYA SA PAGKAMATAY NG NEGOSYANTENG KIDNAP VICTIM NAKAMIT NA – DOJ

INIHAYAG ng Department of Justice (DOJ), nakamit na ang hatol na guilty laban sa limang akusado sa kasong kidnapping for ransom with homicide kaugnay ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Jose Saribong noong 2013.

Sa 39-pahinang desisyon na may petsang Abril 16, 2026, hinatulan ng Regional Trial Court Branch 138 sa Antipolo City, sina Mark Stanly Banghulot y Subejano, Romeo Baluran, Rudy Benega, Teody Maghuyop at Adam Paulin ng reclusion perpetua na walang posibilidad ng parole.

Inatasan din ang mga akusado na magbayad ng kabuuang P990,000 bilang civil indemnity at actual damages sa mga naulila ni Saribong.

Batay sa rekord ng kaso, dinukot si Saribong sa harap ng Golden Meadows Subdivision at pinaslang matapos ang walong araw na pagkakabihag sa kabila ng pagbabayad ng bahagi ng hinihinging P40 milyong ransom.

Nasawi rin sa insidente ang driver ng biktima na si Jimmy Palermo.

Pinangunahan ang prosekusyon ni Deputy State Prosecutor Olivia Torrevillas na naglatag ng matibay na ebidensya na nagresulta sa hatol laban sa mga akusado.

(JULIET PACOT)

53

Related posts

Leave a Comment