“ALL systems go” na ang Pilipinas sa pagho-host nito ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit, ayon sa Malacañang.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, “on track” na ang preparasyon ng bansa bago ang regional gathering na gaganapin mula Mayo 7 hanggang 8.
Sinabi ni Castro na nagbigay na ng briefing si Executive Secretary Ralph Recto, na siyang chairman ng ASEAN National Organizing Committee, kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa kalagayan ng paghahanda.
“All systems go po. Handa po tayo,” ani Castro.
Gayunman, sinabi ng opisyal na maaaring ikonsidera ang ilang adjustments sa mga pagpupulong, kabilang ang posibilidad na ilipat sa virtual format ang ilang sesyon. Ito ay matapos magpahayag ang ilang lokal na opisyal sa Cebu na may mga pulong na hindi na isasagawa nang face-to-face bilang bahagi ng “austerity measures” ng pamahalaan.
Wala pa umanong pinal na desisyon hinggil sa mga bahagi ng summit na maaaring idaos online.
“Tingnan lang po natin… hindi pa po ako nabibigyan ng update patungkol po diyan,” dagdag ni Castro.
Samantala, iginiit ni Castro na hindi makaaapekto sa pagho-host ng Pilipinas sa summit ang mga isyung iniuugnay kina Vice President Sara Duterte at House Speaker Martin Romualdez.
“Hindi po ito makaaapekto sa Pangulo,” ani Castro.
Binigyang-diin din niya na patuloy ang koordinasyon at paghahanda ng mga miyembro ng Gabinete at mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan.
(CHRISTIAN DALE)
72 