NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P249.83 milyong halaga ng hinihinalang shabu na itinago sa loob ng LED spotlight sa isang warehouse sa Pasay City.
Pinangunahan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang inspeksyon noong Abril 28, 2026.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Idineklara ang kargamento bilang LED spotlights mula sa Mexico at naka-address sa Metro Manila. Na-flag ito matapos makita sa X-ray Imaging (XIP) ang mga kahina-hinalang imahe na hindi tugma sa idineklarang laman. Agad itong isinailalim sa 100% physical examination sa Pasay City.
Noong Abril 17, 2026, nagsagawa ng inspeksyon ang Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF) at Enforcement and Security Service (ESS). Nag-positibo ito sa droga nang isalang sa inspeksyon ng K9 unit, kaya binuksan ang kargamento.
Dito natagpuan ang mga puting mala-kristal na substance na nakatago sa LED spotlights.
Sa field testing ng BOC examiner kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kinumpirmang methamphetamine hydrochloride o shabu ito na may timbang na 36,740 gramo at nagkakahalaga ng P249,832,000.
(JOCELYN DOMENDEN)
62 