NAGTAAS ng alerto ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Philippine National Police (PNP) sa Cebu kaugnay ng nalalapit na 48th ASEAN Leaders’ Summit.
Ayon sa NDRRMC, itinaas ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (RDRRMC)–Central Visayas ang alert status nito sa Red Alert simula Abril 30.
Nabatid na naglabas ng Memorandum No. 22, Series of 2026 si RDRRMC Central Visayas Chairperson Director Joel Mamon upang ihanda ang mga kinakailangang hakbang para sa inaasahang pagdagsa ng mga delegado mula sa iba’t ibang bansa sa Asya.
In-activate na rin ang Emergency Operations Center bilang bahagi ng paghahanda.
Pinayuhan ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga opisyal na abiso at makipag-ugnayan sa mga awtoridad habang naghahanda ang Cebu sa pagho-host ng summit na gaganapin mula Mayo 5 hanggang 8.
Layunin ng mga hakbang na tiyakin ang mahigpit na monitoring, koordinasyon at kahandaan sa pagresponde sa posibleng emergency.
Samantala, naka-full alert status na rin ang PNP para sa seguridad at kaayusan.
(JESSE RUIZ)
113 