NAGTUNGO sa Department of Justice (DOJ) ang mga magulang ni Mary Jane Veloso, ang Filipina na nahatulan ng kamatayan sa Indonesia dahil sa drug trafficking.
Ayon kay Celia Veloso, pinatawag sila ni Justice Secretary Fredderick Vida, ngunit umalis din ito makalipas ang ilang minuto nang hindi nagbibigay ng pahayag sa media.
Ayon naman kay Atty. Edre U. Olalia ng National Union of Peoples’ Lawyers, nagsagawa ng case conference sa DOJ kaugnay ng nalalapit na testimonya ni Veloso sa Mandaluyong Regional Trial Court.
Ang testimonya ay bahagi ng kasong qualified human trafficking, estafa, at illegal recruitment laban sa mga umano’y illegal recruiter ni Veloso.
Nauna nang sinabi ni Vida na posibleng irekomenda ng DOJ ang pagbibigay ng executive clemency kay Veloso, habang patuloy na pinag-aaralan ang lahat ng legal na opsyon.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Veloso sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong matapos ilipat mula Indonesia noong Disyembre 2024.
(JULIET PACOT)
196 